Ipinaghiganti ang kapatid
Dear Dr. Love,
Una po sa lahat nais kong batiin kayo ng isang magandang araw. Nawa ay sumainyo ang lahat ng pagpapala ng ating Poong Maykapal.
Ako po ay 35 years old, isang masugid na tagasubaybay ng inyong column sa sikat ninyong pahayagan. Nasa pambansang bilangguan ako ngayon sa salang pagpatay sa aking kaibigan. Ginawa ko po ito bilang paghihiganti sa aking kapatid na babae na ginahasa niya. Hindi ko po napigilan ang aking sarili dahil habang nakikita ko siya naaalala ko ang ginawa niya sa aking utol. Ang nakalulungkot nabahagi lamang po, ni-minsan hindi ako dinalaw ng aking mga kapatid. Pero tinanggap ko ang lahat ng kabiguan nang walang hinanakit sa kanila. Wala akong sinisisi sa dinaranas ko sa ngayon. Para malunasan ang aking pagkainip at magkaroon ng kabuluhan ang aking pagkabilanggo, minabuti kong magpatuloy ng pag-aaral dito sa loob.Nais ko ring mapaunlad ang sarili. Nais ko pa ring maitayong muli ang mga naunsiyami kong pangarap sa buhay sakali’t matapos na ang aking sentensiya.Simple lang ang pangarap ko sana sa buhay. Magkaroon ng masaya at mapayapang pamilya.
Kaya nais ko po sanang hilingin sa inyo na sa pamamagitan ng inyong pitak ay magkaroon ako ng mga kakilala at kasulatan. Sana makatagpo rin ako ng babaeng makakaunawa sa akin at mamahalin ako sa kabila ng pinagdaraanan ko.
Hanggang dito na lang po at maraming salamat.
Gumagalang,
James Gonzales
Dorm 4-C
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear James,
Hindi na kita masisisi sa paglalagay mo ng batas sa iyong mga kamay. Dahil sa pagmamahal mo at awa sa iyong kapatid, ipinaghiganti mo siya sa ginawang paglapastangan sa kanya ng iyong kaibigan. Kung talagang itinuturing ka niyang kaibigan, hindi naman sana niya tinalo ang iyong kapatid. Bagaman nauunawaan kita sa iyong damdamin at galit sa kaibigan, hindi natin ginaganyak ang marahas na paghakbang dahil hindi maitutuwid ang mali ng isa ring kamalian. Ipinapayo pa rin natin ang pagtitimpi at pagpapailalim sa tamang proseso ng batas ang anumang pang-aaping dinanas sa kamay ng ibang tao.
Hindi maliwanag sa liham mo kung sinampahan ninyo ng kaso ang kaibigan mo na sumalbahe sa iyong kapatid.
Alam nating lahat na may katagalan nga ang proseso ng batas at pagpapataw ng parusa sa nagkasala. Pero magkagayunman, may batas tayong sinusunod at ipaubaya natin ang paghahatol ng korte sa isang kriminal. Humingi ka ng kapatawaran sa ating Panginoon sa paglabag mo sa utos Niya.
DR. LOVE
- Latest
- Trending