Pinili ang ambisyon
Dear Dr. Love,
Good day to you!
Isa ako sa marami mong tagahanga. Palibhasa’y isa na akong retiradong empleyado kaya ang libangan ko ay magbasa at sa PSN ko nga nabasa ang column ninyo. Ito ang gumanyak sa akin para lumiham sa inyo at ibahagi ang karanasan ko sa buhay.
Dati mayroon akong nobyo, pero noon ay nasa second year pa lang ako sa kolehiyo. Ang nobyo ko naman ay nasa fourth year na ng kursong engineering. Lihim lang ang relasyon namin sa aking mga magulang dahil ayaw nilang hahaluan ng ligawan ang pag-aaral. May pagkakonserbatibo kasi ang mga magulang ko.
Ang akala ko naman, okey lang sa nobyo ko na manaka-naka lang ang aming pagkikita para kapwa namin maibuhos ang pagsisikap sa aming pag-aaral. Pero isang araw, tumawag siya at hiniling na magkita kami sa dating tagpuan. Niyayaya niya akong magtanan. Nais daw siyang pikutin ng pamilya ng isa niyang kaibigang babae para panagutin sa dinadala nitong sanggol.
Tinanong ko siya kung totoong kanya ang bata. Oo raw. Pero hindi niya raw mahal ang babaeng iyon kundi nadala lang siya sa pang-aakit nito. Iyon lang Dr. Love at mabilis akong nagdesisyon na panagutan niya ang bunga ng kanyang kalikutan.
Bagaman mahal ko ang nobyo ko noon, hindi ko kayang tumigil ng pag-aaral dahil sa ambisyon kong makatapos ng pagtuturo. Mayroon din akong pangako sa mga magulang na pagkatapos ko ng pag-aaral tutulungan ko silang itaguyod ang pag-aaral ng mga kapatid. Masakit mawalan ng nobyo pero kasalanan naman niya kung bakit siya nais na pikutin.
Wala na akong balita sa dati kong nobyo matangi sa talagang tinakbuhan niya ang babaeng nabuntis niya. Nasubsob ang ulo ko sa trabaho bilang teacher hanggang maabot ko ang pagiging principal bago nagretiro. Hindi na ako nakaisip mag-asawa. At ngayon ngang may edad na ako pilit kong inaalam sa sarili kung nagsisisi ako sa pagtanggi kong makipagtanan sa dati kong nobyo. Pero ang alam ko, naging maligaya ako sa naging desisyon ko.
Naabot ko ang aking ambisyon at natulungan ko pa ang aking magulang at kapatid sa kanilang pangangailangan. Marami ring nanligaw noon pero dahil sa naunsiyami kong pag-ibig parang natakot na akong muling mabigo.
Nakapagturo pa ako sa abroad bago muling bumalik sa lokal na pagtuturo hanggang magretiro. Wala akong regret sa buhay ko. Mayroon akong mga inalagaang mga pamangkin na siya ko ngayong inaaring mga anak na gabay ko sa aking pagtanda. Salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham na ito at more power to you.
Helen
Dear Helen,
Ang mahalaga, maligaya ka sa ginawa mong desisyon at wala kang pagsisisi sa pinili mong kalagayan sa buhay. Nagampanan mo ang iyong pangako at natamo mo ang minimithing paglilinang ng talino.
Humahanga ang pitak na ito sa iyong hindi natinag na determinasyon para maabot ang ambisiyon mo.
Dr. Love
- Latest
- Trending