Dear Dr. Love,
Sa edad kong ito, 60-anyos, masasabi ng iba na wala nang malaking problema kung napatapos na ang mga anak, may kanya-kanya nang estado sa buhay at napagkakasya naman ang maliit na pensiyon ng asawa ko sa aming simpleng pangangailangan.
Pero kahit pala nakalaya ka na sa obligasyon sa mga anak, mayroon pa ring sumusulpot na hindi inaasahang suliranin na pinoproblema pa ng isang tulad kong Lola. Ang tinutukoy ko po ay ang dinaranas ngayong epekto sa isa kong apo nang naganap na paghihiwalay ng kanyang mga magulang.
Awang-awa ako sa aking apong 11-anyos na laging walang kibo, tameme at laging gustong mapag-isa mula nang magkanya-kanyang buhay ang kanyang mga magulang. Babae ang aking anak at sinubukan ko sanang pagkasunduin silang mag-asawa alang-alang sa bata pero hindi ko na mapilit siyang makisama na sa kanyang asawa na bukod sa tamad ay makitid pa ang pang-unawa sa kalakaran ng buhay. At nambabae pa. Umuwi sa bahay ang aking anak kasama ang aking apo at dito ko nga napuna ang malaking pagbabago ng bata sa dati niyang ugaling masaya at ismarte noong buo pa ang kanyang pamilya.
Ano po ba ang mabuti kong gawin? Nililibang ko sana siya pero bagaman alam kong pinipilit niyang maging masaya, mapait ang kanyang mga ngiti lalo na kung dumadalaw sa aming bahay ang iba ko pang apo kasama ang kanilang nanay at tatay. Payuhan mo po ako.
Lola Meding ng Pasig City
Dear Lola Meding,
Hinahangaan ko ang pagka-lola mo. Dahil bagaman masasabi na pahupa ka na sa obligasyon sa iyong buhay pamilya ay hindi mo matalikuran ang kalagayan ng iyong anak, lalo na ng iyong apo.
Maraming posibilidad na maging pagbabago sa pagitan ng iyong anak at kanyang asawa. Maaaring sa paglipas ng panahon ay mapatunayan na ng iyong manugang ang kanyang sinseridad na magbago na kukumbinsi naman sa iyong anak na sila’y magkabalikan.
Sa ngayon, ibayong pagmamahal at pag-aaruga ang ituon mo sa iyong apo. Para hindi niya maramdamang kulang siya. Ipagdasal mo rin ang sitwasyon nila.
Dr. Love