Naunsiyaming pag-ibig
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Lorena, 50 anyos at isang biyuda. Hindi ko akalaing sa edad kong ito ay babalik sa akin ang dati kong boyfriend na may 30 taon na ang nakalilipas. Nagkasira kami noon ni Lando dahil napikot daw siya. Nagpakasal siya sa ibang babae.
Dahil dito’y pinilit kong lumimot. Dalawang taon din akong nagtiis hanggang sa dumating sa buhay ko si Mario. Nagpakasal kami kahit hindi ko siya mahal. Nagkaroon kami ng anak na lalaki, ngayo’y 24 anyos na. Namatay si Mario tatlong taon na ang lumilipas.
Nagkaroon siya ng kanser sa baga at halos maubos ang lahat ng aming kabuhayan dahil sa kanyang karamdaman sa loob ng limang taon.
Dahil may edad na rin ako, hindi na pumasok sa isip ko na mag-asawang muli. Nagulat ako nang muling dumating si Lando. Namatay na rin daw ang asawa niya at naiwan sa kanya ang kanilang ipinundar na negosyo.
Wala silang anak. Niyayaya niya akong magkabalikan kami at magpakasal. Gusto ko sana dahil mahal ko pa rin si Lando. Kaso nangingimi ako dahil sa posibleng masabi ng tao. Baka akalain na ang ginusto ko ay ang kayamanang naiwan kay Lando ng kanyang asawa.
Nahihirapan akong magdesisyon. Ano ang dapat kong gawin?
Lorena
Dear Lorena,
Walang masama kung durugtungan ninyo ni Lando ang naunsiyami ninyong pagmamahalan. Oo nga’t nagkasala siya sa iyo dahil nagpapikot siya sa iba. Pero sino ba ang hindi nagkakasala? Kung mahal mo pa rin siya at mahal ka niya, wala namang balakid para hindi kayo makasal kung siya ninyong ibig.
Pagdating sa pag-ibig, kapwa kaligayahan ninyo ang nakataya kaya huwag mo nang intindihin ang sasabihin ng ibang tao.
Dr. Love
- Latest
- Trending