Pakaseguruhin ang damdamin

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo, isa po ako sa masugid na tagasubaybay niyo Dr. Love, itago­ niyo nalang po ako sa pa­ngalang Kathlyn, ako po ay 18 taong gulang.

Sa ngayon po may boyfriend po ako at isang taon na po kami. Sa simula palang po nang aming relasyon ay ako na po talaga ang naging pasaway sa amin, minsan po nagagawa ko pang magpaligaw sa iba.

Kasi minsan po hindi ko nararamdaman na mahal ko siya, may pagkakataon naman na ramdam ko naman.

Pero siya po talaga ay seryoso at mahal ako sa katunayan marami na siyang naisa­kripisyo para sa akin.

Hindi ko po alam kung bakit laging ganun ang nararamdaman ko sa kanya, pero takot po akong mawala siya. Ano po bang dapat kong gawin? Nagbabalak na po kaming­ magpa­legal sa mga magulang ko.

Payuhan niyo naman po ako para maging kontento na ako sa kanya.

Salamat po.

Kathlyn 

Dear Kathlyn,

Sabi mo may mga pagkakataon na hindi mo ramdam na mahal mo siya pero may pagkakataong nararamdaman mong mahal mo siya? Pakaseguruhin mo ang tunay mong damdamin.

Sabi mo, marami na siyang naipuhunan sa iyo at seryoso siya sa pag-ibig niya. Iyan ang mahalaga. Pero sa panig mo, pag-aralan mong mabuti ang nararamdaman mo sa kanya at bakit tila pabagu-bago.

Normal lang naman ang mag-entertain ng suitor pero kung may matatagpuan kang mas mahal mo, huwag kang magiging two-timer. Makipagkalas ka muna sa kanya.

Dr. Love

Show comments