Pinaasa lang pala
Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lang po ako sa alyas na Daisy, isang OFW sa Hongkong. Sumulat po ako para ibahagi ang aking karanasan sa pag-ibig at kapulutan ng aral ng inyong mga readers.
Dati akong may karelasyon na bilanggo. Umabot kami ng dalawang taon at sampung buwan. Masaya ang aming pagpapalitan ng sulat, text, tawag sa telepono, pagpapadala ng cards. Halos walang oras na tahimik ang aking cellphone sa tawag niya.
Naghahanap siya ng atensiyon at uunawa sa kanya. At naniwala naman ako sa mga pangako niya. Ipinakilala pa niya ako sa mga parents niya at kapatid. Sa Muntinlupa na kami nagkakilala dahil sa isang kaibigan na bilanggo rin.
Nagtiwala ako sa kanyang mga pangako, nagpapadala ako ng pera, regalo at ang wedding ring sana namin sa aming kasal.
Pero lahat ay nauwi sa wala. Dahil hindi ko man lang nalaman na nakalaya na pala siya. At nang sadyain ko sa kanilang bahay. Nalaman ko na nahumaling na siya sa isang bayarang babae. Halos madurog ang puso ko. Dito na natapos ang aming relasyon.
Sana, maging leksiyon ito sa aking mga kabaro na kilalanin muna ang isang tao bago payagang mahulog ang loob. Para hindi mapaasa at mapaglaruan.
Maraming salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham ko at more power to you.
Gumagalang,
Daisy
Dear Daisy,
Sa mga umiibig, bilanggo man o hindi ang kanilang karelasyon, hindi naman dapat na itodo na ang lahat-lahat na tiwala at pagmamahal sa isang taong hindi mo ganap na kilala.
Mahirap nga ang umasa sa wala at lalong masakit tanggapin na niloko ka lang pala. Ituring mo na lang na isang bahagi ng nakaraan ang lahat. Dahil natitiyak ko may mas karapat-dapat para sa tapat mong atensiyon.
Dr. Love
- Latest
- Trending