Tanggapin mo po ang aking mataos na pangungumusta.
Ako po ay isang bilanggo. Napatay ko ang isa sa tatlong lalaking humarang sa akin isang gabi habang papauwi mula sa pinapasukang pabrika at kinikilan ako para sa kanilang alak. Kahit P50 na lang ang natitira sa bulsa ko, ibinigay ko pa rin para makaiwas sa gulo. Pero ayaw nilang pumayag dahil pampulutan pa raw. Puwersahan nila akong kinapkapan at kinuha ang P10 kong pamasahe. Ang isa ay nagbunot pa ng patalim kaya nanlaban ako. Nauwi ito sa pagkakasaksak ko sa kanya na siya niyang ikanasawi.
Hinuli ako ng pulis. Hindi na po ako nangatuwiran sa korte dahil sa pulisya pa lang inamin ko na ang aking pagkakasala.
Nag-aaral po ako ngayon dito bilang paghahanda para sa muling pagsisimula sa aking buhay pagkalaya ko.
Ang isang pabor lang na nais kong hilingin sa inyo, ang magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat. Gusto kong maibsan ang kalungkutan at pagkainip na siyang unti-unting kumikitil sa nalalabi ko pang pag-asa sa buhay.
Sana po, hindi ninyo ako biguin.
Maraming salamat po,
Pablo S. Cano
Student Dorm Cell 231
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Pablo,
Nakalulungkot na ang pagsisikap ng isang taong makapaghanap-buhay nang marangal ay mauuwi sa wala dahil sa panlalamang ng ibang tao.
Ang kamalian mo lang Pablo, paulit-ulit mong sinaksak ang salarin kaya ka nakulong. Sana’y binaldado mo na lang para siya ay mabuhay at pagdusahan ang kanyang kasalanan. Ikaw ngayon ang siya pang nagdurusa sa pagmamalabis ng iba.
Ang nagawa mong paglalagay ng batas sa iyong kamay ay ihingi mo ng tawad sa Diyos. Ipagpatuloy mo ang pag-aaral diyan sa loob at huwag kang mainip, lalaya ka rin para muling makasama ang iyong pamilya.
DR. LOVE