Naghahanap ng pansin

Dear Dr. Love,

Panggitna ako sa limang magkakapatid ng isang simple at middle-income family. Hindi man nakaririwasa sa buhay, ang pamilya namin ay maituturing na achiever. Parehong propesyonal ang aking ama at ina at kinikilala sila sa larangan ng propes­yong kanilang kinabibilangan.

Malimit, sinasabi ng aking ama na hindi man kami mayaman, ang yaman nilang magkabiyak ay ang kanilang mga anak na puro scholar matangi sa akin na hindi man bobo ay ordinaryo lang na estudyante kung ihaham­bing sa matatalino kong kapatid.

Gayunman, ako naman ang sinasabi ng aming mga kamag-anak na pinakamaganda sa tatlong babae.

   Pero ang katangian kong ito ay tila hindi naman napapansin ng aking­ mga magulang. Kaya parang nagkaroon tuloy ako ng kakula­ngan sa personalidad dahil sa tratong ito ng aking mga magulang.

Masama ang loob ko. Sa tingin po ninyo, kulang lang ako sa pansin o hindi talaga ako appreciated ng aking ama at ina  dahil hindi ako kagaya nilang mayroong utak? May pag-asa pa kaya akong mahalin nila?

Maraming salamat po at more power to you.

Celine

Dear Celine,

Mali na paratangan mo ang mga magulang na hindi ka mahal. Anak ka nila at walang mga magulang na hindi nagmamahal sa anak. Marahil, sa palagay mo ay hindi ka nila ipinagmamalaki dahil palaging mga kapatid mo lang ang ipinagyayabang nila sa mga kaibigan.

Ikaw ang sinasabi ng iba na mayroong mukhang puwede ring ipagmalaki. Bakit kaya hindi mo gamitin ang katangiang ito para kilalanin ka rin sa aspetong ito? Puwede kang kumandidata sa beauty contest o magmodelo kaya. Pagsikat ka, dala mo ang pangalan ng iyong pamilya.

Dr. Love

Show comments