Dear Dr. Love
Isa po ako sa masugid ninyong mambabasa. Ako po si Leila at isa po akong OFW na nagtratrabaho. Ako po ay may relasyon sa taong nakilala ko nung nasa high school pa lamang po kami.
Siya rin po ay OFW pero sa ibang bansa kaya long distance relationship po ang kalagayan namin, mahigit nang isang taon. Hindi pa po kami nagkikita ng personal. Sinagot ko siya sa telepono dahil araw-araw din po siyang tumatawag sa akin.
Pero bago po naging kami, inamin niya sa akin na may anak siya sa kasintahan niya noon pero ‘yung kasintahan niya ay nagpakasal sa iba dala ang kanyang anak. Nagulat pa nga ako nung nalaman ko pero tinanggap ko pa rin siya. Alam ko po na nasa hustong gulang na po kami pero palagi ko naiisip ang kalagayan niya. Nagdadalawang-isip po ako kung siya na ba talaga o hindi.
Hindi ko alam kung paano matatanggap ng pamilya ko at mga kaibigan ko ang aming relasyon. Mahal ko po siya pero iniisip ko po ang kalagayan niya. Pakitulungan po ako. Maraming salamat po.
Lubos na gumagalang,
Leila
Dear Leila,
Kung ikaw ba ay bibili ng singsing, bibilhin mo ba ito kahit hindi mo pa nakikita at sinasabi lang na maganda ng kausap mo?
Bago mo mauri o makilatis ang isang bagay, dapat makita mo muna ito. Hindi ko sinasabing layuan mo ang iyong kasintahan. Kung totoong wala siyang asawa at may anak lang siya sa ibang babae, na nag-asawa na rin, wala naman akong nakikitang hadlang.
Nagtataka lang ako kung paano nagtagal ang inyong long distance relationship na sapul pa nang ikaw ay high school student lang, nang hindi kayo nagkikita ni-minsan.
Ang masasabi ko sa iyo ay kilalanin mo muna ang taong iyan para malaman mo kung ano ang totoo niyang pagkatao. At iyan ay magagawa mo lamang kung magkikita kayo ng personal.
Dr. Love