Hindi matanggap ang pamamaalam

Dear Dr. Love,

Isa po akong bilanggo sa pambansang piitan dahil nakapatay ako. Ang problema ko po Dr. Love, hindi ko matanggap na pati ang pinakamamahal kong babae ay nawala sa buhay ko dahil nakulong ako.

Mahal na mahal ko si Mercy. Plano na sana naming magpakasal noon kundi nga lang na­sabit­ ako sa isang malaking pagsubok sa buhay. Dahil dinamayan ko ang isang pinsan sa gulong kinasangkutan niya, nakapatay ako kaya nga­yon nagdurusa sa kulungan. Malayo sa pamilya at ngayon ay namamaalam ang girlfriend. Iniyakan ko ito, Dr. Love. Alam kong katumbas na ito ng hindi na kami magkikita pang muli. Pinagaan lang niya ang pagsasabing “ kalimutan ko na siya at lilimutin na rin niya ako.”

Mula nga noon ay hindi na siya bumisita sa akin ni-sumulat. Wala na si Mercy at masakit na masakit pa ang loob ko hanggang ngayon dahil siya lang ang babaeng minahal ko.

Turuan mo po akong makalimot. More power to your column.

Salvador

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

 

Dear Salvador,

Sa isang tapat na umiibig, mahirap talaga ang paglimot sa isang babaeng minamahal. Pero sa kasong tulad ng sa iyo, mahirap din obli­gahin­ ang isang nobya na hintayin ka sa pag­laya mo para kayo pa rin matapos pagdu­sahan ang sentensiya.

Praktikal lang ang nobya mo at hindi niya nais na matali siya at ikaw man sa isang pangako na magmamahalan kayo hanggang wakas. Kung mahal mo ang isang tao, hindi mo nana­isin na magdusa rin siya sa isang kasalanang hindi naman niya kagagawan. Hindi ba unfair iyon sa kanya?

Kaya, idalangin mo na lang na makatagpo siya ng ibang lalaking higit na makapagpapaligaya sa kanya. Kung talagang kayo ay ukol sa isa’t isa, makapaghihintay siya sa paglaya mo. Pero ito ay dapat na boluntaryo sa kanyang panig at hindi siya nakatali sa isang pangakong maghihintay siya sa pagbabalik mo.

Makakatagpo ka rin ng ibang babae na magmamahal sa iyo.

Dr. Love

Show comments