Tunay na kaibigan
Dear Dr. Love,
Ako po si Ruben Febrero, 29 taong gulang at isang inmate sa pambansang bilangguan. Nakulong ako dahil sa pagtatanggol sa isang kaibigang babae.
Binastos siya sa isang sayawan sa aming lugar sa Surigao City. Sa pagdepensa ko para sa kanya ay nakautang ako ng buhay.
Dito sa loob, dama ko ang labis na kalungkutan lalo pa at nalayo ako sa aking mga mahal sa buhay. Nakakalungkot din isipin na ang mga kaibigan na itinuturin kong kapatid ay unti-unting naglaho.
Kaya naman ang aking pagkainip ay itinutuon ko na lamang sa pag-aaral dito sa loob, sa pag-asang maihanda ang aking sarili sa sandaling makalaya na.
Dismayado man akong maituturin sa pakikipagkaibigan, hindi ko naman mapigilan ang aking sarili sa pagkakaroon nito. Ito nga ang ilalapit ko sayo, Dr. Love. Na magkaroon ako ng mga kaibigan kahit sa panulat lang. Isang kaibigan na makakaunawa sa kalagayan ko dito sa piitan. Mapagsasabihan ng mga problema, higit sa lahat maging inspirasyon sa buhay.
Maraming salamat po at God bless you.
Lubos na gumagalang at umaasa,
Ruben Febrero
232 Bldg. 2 MSC
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Ruben,
Maswerteng maituturin ang mga kaibigan mo sa pagkakaroon ng gaya mo, na handa silang ipagtanggol matinding sakripisyo man ang kapalit. Pero ang maipapayo ko, lahat ng sobra ay makakasama. Katulad ng pagsasaisantabi mo sa sariling kapakanan, alang-alang lamang sa maliit na sitwasyong kinasangkutan ng isang kaibigan.
Kung nagawa mo lamang kontrolin at panghawakan ang sandaling nabastos ang iyong kaibigan, wala ka sana sa kulungan. Sa pamamalagi mo dyan sa loob, umaasa ako na natutunan mo na ang leksiyon. Ipagpatuloy mo ang pagpapakabuti at pagpapaunlad sa iyong sarili dyan sa piitan. Para matiyak ang magandang kinabukasan sa iyong paglaya.
Dr. Love
- Latest
- Trending