Sino ang pakakasalan?
Dear Dr. Love,
Please receive my sincerest greetings.
Itago mo na lang ako sa pangalang Ellen malapit nang mag-30 anyos at isang propesyonal.
Ang problema ko ay ang dalawang lalaki na nakilala ko. Hindi ko malaman ngayon kung sino sa kanila ang pipiliin para pakasalan. Pareho silang foreigner, isang Fil-Am at isang military personnel.
Pareho ko silang nakilala sa website pero ang Fil-Am ay nakita ko na ng personal dahil bumisita siya sa lugar na pinagmulan ng kanyang ama sa dakong hilaga ng bansa. Samantalang sa e-mail lang at pagpapalitan ng larawan ko naman nakilala ang karibal niya sa aking puso.
Si Fil-Am ay halos ka-edad ko lamang, isang kawani ng information technology sa California at ang military officer naman ay Amerikano na mula sa Mexico ang kanyang mga magulang.
Mas malapit sa aking puso ang Fil-Am, masaya siyang kasama sa lakaran sa panahon ng pagtigil niya sa bansa. Kaya lang, nais pa raw niyang ganap kaming magkakilala at wala siyang maipangakong commitment.
Ang sundalo naman ay handa raw pakasal sa akin, sa sandaling makatapos na siya ng military service. Mula sa distino niya dadaan siya dito sa Pilipinas bago bumalik sa kanilang bansa. Nararamdaman kong tapat siya sa mga sinasabi niya sa akin at bagaman hindi pa kami nagkikita nang personal. Mas bata si Fil-Am samantalang 40 anyos na ang sundalo. Diborsiyado siya at may dalawang anak.
Kung ang pag-uusapan ay seguridad na pinansiyal, alam kong mas nakakaangat ang sundalong militar.
Iisa lang ang aking puso at naguguluhan ako kung sino nga ba ang mas matimbang sa aking damdamin. Payuhan mo po ako. Maraming salamat po at hintay ko ang inyong kasagutan.
Ellen
Dear Ellen,
Iisa nga lang ang iyong puso kaya’t dapat na maging maingat ka sa pagpili ng makakasama mo sa buhay.
Umabot ka sa edad na 30 na isang dalaga, sa palagay ko masyado kang mapili sa gusto mong makasama sa buhay para hindi ka magkamali.
Ang maipapayo ko lamang, kilalanin mo munang mabuti ang dalawa mong suitors para hindi ka mapadeloso. Kailangan ang compatibility, respeto at katapatan sa isang pagsasama ng lalaki at babae. Sigurado ko namang alam mo ito dahil isa kang propesyonal.
Sa pagpili din ng mapapangasawa, hindi rin lang puso ang dapat pairalin: kailangan din ang seguridad if you know what I mean.
DR. LOVE
- Latest
- Trending