May karelasyon si Mister

Dear Dr. Love,

Tawagin n’yo na lamang akong Francia.

May nakarelasyon po ang mister ko nang magtrabaho siya sa ibang bansa. Sabi niya sa akin, kasi raw malungkot doon kaya naging sila. Pinatawad ko po siya dahil sa aming mga anak. Pero ang masakit po palagi ko pa rin silang nahuhuling may communication at sustentado niya ang babae kahit wala naman siyang anak dito. Palaging sinasabi ng mister ko na tapos na raw ang relasyon nila kapag nahuhuli ko ang mga text ng babae pero paulit-ulit ko pa rin silang nahuhuli. ‘Pag lumuluwas po ang babae dito sa Manila ay halos hindi siya nagpaparamdam sa amin na umaabot ng isang linggo at silang dalawa ang magkasama.

Dapat ko na po bang hiwalayan ang mister ko. Tatlo pa po ang nag-aaral sa lima naming anak. Nararamdaman ko po na mas mahal niya ang babae niya kaysa sa akin. Pagpayuhan po niniyo ako. Maraming salamat po at God bless.

Francia

Dear Francia,

Ang paghihiwalay ay siyang pinakahuling dapat ikonsidera ng mga may problema sa asawa. Kasi ang problema ay dapat pagsikapang hanapan ng kalutasan. Kung talagang walang-wala nang remedyo at wala nang kahahan­tungang mabuti ang pagsasama, siguro do’n pa lang dapat isaalang-alang ang paghihiwalay.

Sa Biblia, sinasabi na hindi pinapahintulutan ng Dios ang paghihiwalay maliban na lang sa kaso ng pagtataksil.

Mag-usap muna kayong mabuti na mag-asawa at sikaping maresulba sa maayos na paraan ang inyong suliranin.

Wala naman tayong diborsyo sa Pilipinas pero mayroong tinatawag na marital annulment. Sumangguni ka sa abogado tungkol dito.

Dr. Love

Show comments