Dear Dr. Love,
Matagal ko na sanang gustong sumulat sa inyo hindi lang po ako nagkakaroon ng enough time. Itago n’yo na lang po ako sa pangalang Aries ng Dubai. Andito po ako ngayon sa Dubai para makalimot sa mga nakalipas at para maka-move on na rin sa sakit na ginawa ng asawa ko.
Taong 2007 nang malaman ko na may babae ang asawa ko sa ibang bansa. Pitong taon na rin kami na naging mag-asawa, maayos ang samahan at may tiwala sa isa’t isa. Pero nang malaman ko ang ginawa niya, pinutol ko lahat ng ugnayan ko sa kanya pati sa mga magulang niya. Ngayon ay wala na akong alam tungkol sa kanya. Dalawa po ang naging anak namin. I would say totally move on na po ako ngayon. Maybe because i found new love sa isang foreigner.
Lahat na yata ng positive traits nakita ko sa kanya. Nagkaroon kami ng anak.. we love each other…but my problem is he is married with 1 child. Payuhan n’yo po ako kung ano ang dapat kung gawin. Pareho kaming andito sa ibang bansa. Mahigit dalawang taon na kami at masaya kami kahit minsan may mga conflict din pero agad naman naaayos. Gusto ko po ng maayos na buhay, ‘yung wala akong nasasaktan at hindi ako nasasaktan. May pag-asa pa bang magkabalikan kami ng asawa ko. Until now he is in other country with his girl. Please enlighten my mind.
Salamat po at hihintayin ko po ang sagot n’yo.
Ms. Aries
Dear Ms. Aries,
Ang pag-asang magkabalikan ay laging naririyan. Pero dapat ang naghahangad na mangyari ito ay dapat gumawa ng hakbang.
Sa kaso mo, dahil sa kataksilan ng mister mo ay ipinasya mong maging taksil din. Mali. Unang una, pamilyado ring tao ang sinamahan mo at mayroong nagdurusa dahil sa inyong relasyon. Sabi nga ng kasabihang Pilipino, hindi puwedeng ituwid ang pagkakamali ng isa pang mali.
Humiwalay ka sa lalaking iyan at magsisi sa pagkakamaling nagawa mo. Hingin mo sa Dios ang kanyang guidance para maibalik sa dati ang magandang relasyon mo sa iyong tunay na asawa.
Dr. Love