Dear Dr. Love,
Ang ihihingi ko po ng payo sa inyo ay ang tungkol sa muling pag-aasawa ng aking stepfather. Anak po ako sa pagkadalaga ng aking ina. May dalawa akong kapatid sa ina at ngayon ay may bago ng asawa ang aking stepfather.
Nagpakasal sila ng best friend ng mama ko kahit hindi pa nakapagbababang-luksa ang aming pamilya sa pagpanaw ng aming ina.
Hindi ko po naitago ang sama ng loob ko sa aking stepfather tungkol dito. Ang paliwanag sa akin ng lola ko, nagmadali ang stepfather ko sa pag-aasawa dahil habilin daw ito ng aking ina bago siya sumakabilang buhay. Sinabi raw ng aking ina na huwag pabayaan ng kanyang best friend ang maiiwang mag-aama niya.
Isa pa, babalik sa abroad ang aking stepfather para balikan ang trabaho niya doon kaya minabuti na makasal sila para walang ipag-aalala sa amin. Pero para sa akin, pwede naman kaming iwanan sa aming lolo at lola.
Wala akong reklamo sa trato sa akin ng stepfather ko noong nabubuhay pa ang aking ina. Pero sa nangyari na pagpapakasal nila ay minabuti ‘kong umalis sa kanilang tahanan at umuwi sa aking grandparents.
Tama lang po ba ang ginawa ko? Tama bang magkimkim ako ng hinanakit sa stepfather ko dahil sa ginawa nila ng best friend ni Mama?
Payuhan mo po ako. Maraming salamat at God bless you always.
Christina
Dear Christina,
Hindi maiaalis na maghinanakit ka sa stepfather mo. Natural na damdamin iyan ng isang anak na naulila sa ina. Pero isipin mo na lang na hindi tumutol ang iyong lolo at lola sa pagpapakasal ng iyong stepfather.
Hindi pa naman huli ang lahat para humingi ka ng paumanhin sa posibleng naramdaman ng best friend ng mama mo nang umalis ka. Gayunman ang desisyon kung saan mo nais manatili ay nasa iyong pagpapasiya.
Dr. Love