Dear Dr. Love,
Ako po’y mag-aanim na buwang kasal na sa aking nobyo na karelasyon ko sa loob ng dalawang taon. Maasim na ang aming relasyon sa ngayon at hindi ko alam kung matatagalan ko pa ang ganitong kalagayan, ngayon pang malapit na akong magsilang ng sanggol.
Malaking adjustment para sa amin ang wala sa panahong pagpapamilya. Naging ura-urada ang aming pagpapakasal. Tinanggihan ni Danny ang mga alok ng aking ama, ang pagtira sa bahay namin at pagsagot sa mga gastusin. Hindi siya pumasok ng isang sem at naghanap ng trabaho. Sa gabi siya nag-aaral. Minabuti ko rin na huminto muna sa pag-aaral para makatulong sa kanya. Pero minasama niya ‘yun.
Nararamdaman ko na pinahihirapan niya ako para tuluyan nang makipaghiwalay sa kanya. Gusto ko nang umuwi sa amin. Pagpayuhan po ninyo ako. Hindi ko masabi ang kalagayan ko sa aking mga magulang dahil ayaw ko nang lumala ang sitwasyon.
Maraming salamat po at hangad ko ang patuloy pang tagumpay ng column ninyo.
Menchie ng Makati City
Dear Menchie,
Dumaranas pa ang mister mo ng matinding epekto ng hindi niya matanggap na “pikutan.” Apektado ang kanyang ego o pride.
Mag-usap kayo ng masinsinan ng mister mo. Ibukas mo na ang lahat na option niya kung talagang hindi niya matanggap ang pangyayaring ito.
Pero makabubuting bigyan mo pa siya ng tsansang makapag-isip at makita niya ang bago niyang responsibilidad bilang asawa at ama.
Dr. Love