Kuripot na nobyo
Dear Dr. Love,
Hello po! Tawagin mo na lang po akong “Diyosa”, 18 taong gulang, isang college student. May boyfriend po ako, kaklase ko siya. Bukod sa matangkad si Noel, siya ay simpatiko at matalino siya sa klase. Malaki ang naitutulong niya sa akin sa pag-aaral ko dahil natuturuan niya ako ng leksiyon.
Bagaman nagmamahalan kami, ang hindi ko masyadong gusto sa kanya ay ang pagiging kuripot niya. Matipid siya sa lahat ng bagay. Minsan lang siya magregalo sa akin at kung lalabas kami nang hindi inaasahan ay ako ang taya.
Puwede po bang mabago ito. Minsan sinasabihan ko siya sa kakuriputan niya pero tinatawanan lang niya ako dahil ito raw ay katipiran, isang magandang ugali na tinatalima sa kanilang pamilya bilang isang uri ng disiplina.
Dapat ko po bang palampasin ang ugaling ito ng boyfriend ko o dapat na bang maghanap ako ng ibang galante?
Gumagalang,
Diyosa
Dear Diyosa,
Ang pagtitipid ay hindi isang malaking kapintasan sa babae man o lalaki. Dahil sa panahon ngayon, malaki ang naitutulong nito lalo na sa tulad ninyong nag-aaral pa. Dahil ang natitipid ay magagamit pa sa ibang pangangailangan.
Hindi matatawag na kuripot ang nobyo mo kundi marunong lang maghawak ng pera. Na palatandaan ng pagiging isang responsableng nilalang.
Nasa iyo ang desisyon kung responsible o bulagsak sa pera na boyfriend ang hanap mo.
Dr. Love
- Latest
- Trending