First love
Dear Dr. Love,
Magandang araw po. Kamusta po kayo? Sana nasa mabuti kayong kalagayan. Tatanong ko lang po kung ano ang dapat ‘kong gawin. Nasa 11 years old po ako nang makilala ko ang first love ko. Masyado pa po akong bata. Pero totoo po iyon.
Akala ko po na mawawala rin ang nararamdaman ko sa kanya pagkatapos ng taon. Pero hindi, minahal ko po siya dahil kakaiba po siya sa lahat. Kaya hanggang sa magkolehiyo kami. Laking tuwa ko na kaibigan niya ang kapatid ko at higit pa sa lahat na minahal din niya ako.
Hindi lang siya makapagtapat dahil bata pa nga kami. Nasa 18 years old na po ako ngayon. Pero isang araw ay ginulantang ako ng balitang patay na siya. Magdadalawang taon na pala. Sisingsisi po ako kasi hindi man lang ako nakapagtapat sa kanya.
Hanggang ngayon ay hindi ko matanggap na patay na siya. Sana po ay payuhan ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin. Nararamdaman ko na hindi siya masaya kapag miserable ako. Please help me.
Thanks and God bless!
Gumagalang,
Lonely Girl.
Dear Lonely Girl,
Ano man ang nangyari na ay hindi na maibabalik pa, pero ang posibleng maganap sa kinabukasan ay magagawan pa ng paraan. Sabi mo nga bata ka pa noon at marahil kahit nabatid mo na may pagtingin din sayo ang iyong first love, sadyang hindi kayo nakalaan para sa isa’t isa.
Kaya tanggapin mo na ang reyalidad na wala na siya sa mundo at ipagpatuloy ang iyong buhay. Makakatulong para sa gaya niyang namayapa na ang taimtim na dasal para sa kanyang kaluluwa. Kaya isama mo siya lagi sa iyong mga panalangin.
Dr. Love
- Latest
- Trending