Paano harapin ang bukas
Dear Dr. Love,
Sumainyo nawa ang pagpapala ng ating Panginoong Diyos. Nagpapaabot din po ako ng mataos na pagbati sa inyo at sa lahat ninyong kasamahan sa NGAYON.
Isa po akong bilanggo, na masugid na tagasubaybay ng inyong column. Naglakas loob po akong sumulat sa inyo para humingi ng inyong payo.
Ang problema ko po Dr. Love ay kung paano ko haharapin ang bukas sa katayuan ko ngayon na nagdurusa sa isang pagkakasala sa mata ng Diyos at batas ng tao.
Nangangamba po ako kung may babae pa bang tatanggap sa akin sa kabila ng madilim kong nakaraan. Mayroon pa kayang magkakamaling magmahal sa akin? Magmamalasakit at tutulong sa akin para harapin ang darating na panahon?
Dahil sa aking pagkakabilanggo, tingin kaya ninyo, mayroon pang babaeng magtitiwala sa akin? Labis ko na pong pinagsisisihan ang kasalanang nagawa ko.
Bilang paghahanda sa sandaling makalaya na ako, kasalukuyan akong nag-aaral dito sa loob ng fine arts, na siya kong inaasahang magagamit na pagsisimula sa isang bagong buhay.
Tatlumpu’t tatlong taon ang edad ko. Malaking bahagi nito ang ginugol sa pagsisilbi sa sentensiyang iginawad ng korte matapos akong matalo sa kaso.
Panay po ang dasal ko na sana’y wala nang sagabal o pagsubok pang dumating sa aking buhay para tuloy-tuloy na ang aking paglaya.
Salamat na lang at mayroon pa akong mga magulang at kapatid na walang sawa ang pagsubaybay at pagbibigay ng payo sa akin para lumakas ang loob ko alang-alang sa hinaharap na bukas.
Nawa’y mabigyan po ninyo ako ng payo sa nararamdaman kong pangamba sa sandaling magbalik na ako sa lipunan.
Maraming salamat po at nawa’y hindi kayo magsawa sa pagpapayo sa mga tagahanga ninyong mayroong mga problema sa buhay.
Joey Llapitan
Student Dorm
Bldg. 2 Cell 233
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Joey,
Ang dinaranas mo ngayong pag-aalala sa sandaling lumaya ka na sa bilangguan ay karaniwang dinaranas ng iba pang mga bilanggong tulad mo, na nalalapit nang bumalik sa malayang lipunan. Normal lang iyan pagkaraan nang matagal na panahong pananatili mo sa kulungan.
Pinagsisihan mo na ang kasalanan at kung taos sa puso ang pagtitika, mabait ang Diyos at mapapatawad ka Niya. Lahat na taong nagkamali at natutong magsisi ay binibigyan ng magandang pagkakataong makabangon sa kinadapaan.
Maging aktibo kang miyembro ng mga kilusang relihiyoso at sibiko para makapaglingkod sa tao para mabawi mo ang nadungisang pangalan. Makakatagpo ka rin ng babaeng iibig sa iyo, anuman ang iyong nakaraan basta harapin mo ang bukas nang may bagong paninindigang itatakwil ang masama at itataguyod ang wasto at mabuti.
Hangad ng pitak na ito ang iyong maagang paglaya.
* * * *
Para sa mga interesado kay Lea, maaari siyang i-email sa [email protected].
- Latest
- Trending