Ultimatum

Dear Dr. Love,

Itago mo na lang ako sa pangalang “Romeo,” kasalukuyang magtatapos na sa kursong industrial engineering sa isang unibersidad sa Metro Manila. Watch full video

Dati, mayroon akong girlfriend, si Myra. Pero nagkalabuan na kami noon pa mang nasa third year ako sa kolehiyo. Nagsimula ito nang bigyan niya ako ng ultimatum, kasal o pag-aaral? Sa inis ko, sinabi kong bahala na siya at pinalalaya ko na siya sa aming relasyon.

Mahal ko si Myra, pero tinikis ko siya. Wala namang dapat ipag-apura sa kasalan. Nirerespeto ko siya. Mayroon pa rin akong mga pangarap sa buhay. Nais kong makatikim naman si Inay ng maginhawang buhay habang bata pa siya.

Masakit ang loob ko sa nangyari sa amin ng girlfriend ko. Payuhan mo po ako. Naguguluhan na ako kung dapat ko pa bang amuin ang dati kong girlfriend?

Thank you very much and more power.

Yours sincerely,

Romeo ng Cavite

 

Dear Romeo,

Tanging ikaw lang ang makasasagot kung dapat mong suyuin uli ang dati mong girlfriend. Kung mahal mo siya, hindi ka magdadalawang-isip na gawin ang balak mo. Marahil, nangingi­babaw ang responsibilidad mo sa iyong pamilya na mahal mo rin.

Sa isang banda, kung talagang gusto nang mag-asawa ni Myra, mahirap namang paghintayin mo siya kung wala kang maipapangakong petsa.

Marahil, para hindi ka ganap na magsisi, sikapin mong kausapin uli ang girlfriend mo. Kung hindi pa rin siya makapaghihintay, saka ka na pinal na magdesisyon.

Dr. Love     

(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)

Show comments