Dear Dr. Love,
Palaging sinasabi sa akin ni Inay na kung mayroong usok, mayroon daw nasusunog. Hindi ko ito pinaniniwalaan. Dahil hindi lahat ng usok ay nagbabadya ng sunog. Pero nang mismong ako ang dumanas ng masaklap na karanasan na hanggang ngayon ay dinadala ko pa ang epekto, naintindihan ko ang habilin ni Inay.
Hindi nga sunog ang binabadya ng usok. Kundi ang kumakalat na tsismis at usapan ng mga taong nakapaligid na noong una ay pilit kong ipinagwawalang-bahala.
Mula sa pinagtatrabahuhan ko sa abroad (sa Middle East) tumanggap ako ng liham mula sa isang kapatid na nagsasabing umuwi muna ako dahil nagkakalat na ang aking asawa. Nangangaliwa daw si Cristy.
Tinawanan ko ito noong una. Pero nang makatanggap ako ng text sa aking anak na nasa high school na tinitipid sila sa gastos ng kanilang ina at malimit na muntik-muntikanang hindi makakuha ng iksamen dahil laging late sa pagbabayad ng tuition fee, iba na ang sumaisip ko.
Umuwi ako ng biglaan sa ‘Pinas pero hindi ko sinabi ito sa aking pamilya.
Nakituloy muna ako sa bahay ng isang kaibigan na umuwi rin mula sa trabaho. Pinagpayuhan niya nga ako na huwag padalus-dalos sa hakbang na baka pagsisihan sa dakong huli.
Nagmatyag ako sa bahay namin. Isang linggo akong nagpabalik-balik pero normal naman ang aktibidad sa bahay. Nagpasalamat ako dahil ika ko, ginagawan lang ng istorya ang asawa ko. Iniintriga.
Isang araw, maaga pa lang ay umalis na ng bahay si Cristy pagkaraang pumasok ang dalawa naming anak sa eskuwela. Pusturang-pustura si Cristy. Gusto ko na nga sana siyang sugurin at yakapin dahil miss ko na rin siya.
Pero nagpigil ako Dr. Love. Sinundan ko siya. At sa hindi kalayuang kanto, masaya siyang sinalubong ng isang wala pang 20 taong gulang na binata. Matikas at tulad niya, pusturang-pustura. Magkaabrisiyete silang nag-abang ng taxi. Sinundan ko pa rin sila. Humantong ito sa isang motel.
Nagawa kong matunton ang kanilang silid sa pagbibigay ng malaking tip sa isang tauhan sa information at nagpakilalang kapatid at mayroong emergency sa bahay. Iyon lang. Kinatok ko ang pinto at lumabas ang lalaking nakatapis ng tuwalya. Nasa likod niya si Cristy.
Mabuti na lang at napigil ko ang sarili. Sinabihan ko ang aking asawa na umuwi na dahil mayroong problema. Sa kumprontasyon, inamin niya ang pagkakasala. Pinalayas ko siya sa bahay at binigyang laya sa kanyang responsibilidad bilang asawa at ina.
Sa ngayon, nagsisikap ako makabangon uli. Pero ewan ko kung hanggang kailan ko malilimutan na napendeho ako. Hindi na nagtaka ang mga anak ko. Alam na rin pala nila ang ginagawa ng ina kaya nga lang, takot silang magsumbong sa akin para hindi magulo ang aming buhay.
Payuhan mo po ako Dr. Love. Hindi ko akalain na ang pagsasakripisyo ko para sa pamilya ay susuklian ng katarantaduhan ng aking asawa.
Salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham ko.
Gumagalang,
Dexter
Dear Dexter,
Salamat na lang at hindi mo dinungisan ang mga kamay mo para iganti ang iyong kaapihan. Mabuti na lang at nangibabaw ang katinuan ng isip at pagrespeto sa buhay ng tao.
Wala kang pagkukulang sa pamilya, bilang asawa at ama. Ang nagkulang ay ang iyong asawa na maaaring masyado mong pinalayaw at pinag-ukulan ng pagmamahal. Malimit ang sobrang pagmamahal ay inaabuso. Pero, sana ang karanasan mong ito sa asawa ay hindi maging daan para mawalan ka na ng tiwala sa iba pa.
May karapatan ka ring lumigaya sa iba na magmamahal sa iyo ng lubos at rerespeto sa pagiging isang padre de pamilya.
Dr. Love