Dear Dr. Love,
Magandang hapon po sa iyo at sa lahat ng mga sumusubaybay sa iyong column.
Itago mo na lang ako sa pangalan Libra Girl. May problema po ako ngayon na hindi ko alam kung ano ang tama kong gawin.
May ka-live in ako ngayon, 12 years na kami at may 8 taong gulang na anak. Ngayon ko lang nalaman na may asawa na pala siya since 1995.
Nagsimula akong magduda simula nang madalas ko nang ino-open sa kanya ang pagnanais kong makasal kami. Kung noon na wala siyang means para isagawa ito, nauunawaan ko. Pero ngayon na nakapag-abroad na siya at maalwa na kumpara dati, hindi matahimik ang mga tanong sa kalooban ko. Hanggang sa mabulaga nga ako ng katotohanang hindi na pala siya malaya.
Sa kalagitnaan ng lutaw na pananaw ko sa patutunguhan n gaming relasyon ay nakilala ko naman isang 27-anyos na siya kong nakarelasyon. Alam niya ang lahat sa buhay ko.
Ang ikinalilito o po ay kung sino ang dapat kong patuloy na pakisamahan. Ang lahat ng inaasam ko na itrato sa akin ng aking matagal na ka-live ay siyang nararanasan ko sa bagong karelasyon. Gaya ng pagtitiwala sa kanyang kita. Matagal na kamaing magkasama ng ka-live in ko pero hindi ko alam kung magkano ang sahod niya. Samantalang itong isa, hindi pa man kami nagsasama ay buong pagtitiwala niyang ipinapahawak sa akin ang kanyang sahod.
Sustentado po ng aking ka-live ang aming anak. At plano niyang ibahay kami. Ang pangamba ko po ay kung matuklasan ng kanyang asawa, ang lahat baka palayasin kami mag-ina at mauwi sa wala. Pero may pangako diyang na pagdating ng 2012 ay ma-annul na ang kanilang kasal ng asawa niya.
Kung sa bago ko naman akong karelasyon sasama, magsisimula kami sa wala. Pero tanggap niya kung ano ako at mahal ko po siya.
Sino po sa palagay ninyo ang dapat kong piliin?
Thank you and more power to you!
Miss Libra girl
Dear Miss Libra Girl,
Sa palagay ko, sa takbo ng sulat mo ay nakapagdesisyon na ang puso mo. Kaya lamang sa pagkakataong ito ay maniguro ka, alamin mo kung may asawa o pamilyado kaya ang bagong karelasyon mo.
Huwag mo nang panghinayangan ang mga mawawala sa iyo, gayong sustentado naman ika mo ang bata, dahil sa umpisa pa lang ay mali ang naging relasyon mo sa matagal mo nang ka-live-in. Nagiging instrumento ka sa pagkawasak ng isang pamilya.
Tandaan mo na ang pangunahaing sangkap ng pakikipagrelasyon ay tunay na pagmamahal. Dahil sa pamamagitan nito, anumang bagyo ang dumating ay malalampasan dahil nakakatiyak kang may karamay ka sa buhay.
Dr. Love