Mahal ko siya, Mahal niya ay iba
Dear Dr. Love,
Ako po si Pia, 22 anyos. Napasulat po ako dahil gusto kong hingin ang payo ninyo at ng mga mambabasa ng inyong column. Mag-aapat na taon na po kami ng aking nobyong si Angelo. Alam ko po na simula palang ay hindi talaga ako ang gusto ni Angelo pero nagpapasalamat pa rin ako dahil kahit na ganun ay hindi niya ako iniwan agad hanggang sa dumating ang kanyang first love, si Thessa.
Tiniis ko ang lahat Dr. Love kahit na alam kong hindi talaga ako ang mahal niya dahil sa pagbabakasakali na mahalin din niya ako. Maraming masasakit na bagay ang nagawa niya sa akin pero hindi ko pa rin siyang kayang pakawalan. Ang pinakamasakit dito ay ang tungkol kay Thessa.
Galit ako kay Thessa, galit din ako kay Angelo pero galit din ako sa sarili ko dahil sobrang martir ko!
Minsan naisip ko na sabihin sa kanya na buntis ako o kaya naman ay magpapakamatay ako para mapansin niya ako. May karapatan pa rin ako sa kanya dahil wala pa kaming end, hindi po ba? Hindi ko na po alam kung anong gagawin ko.
Pia
Dear Pia,
Nahihiwagaan ako kung paano kayo nagkarelasyon na umabot ng apat na taon gayung hindi ka niya mahal. Maliban na lang kung ikaw ang nagpakita ng motibo. Pasensya ka na sa pagiging brutal ko pero harapin natin ang totoo kung tayo’y naghahanap na solusyon sa problema.
Kaya ito ang maipapayo ko sa iyo. Huwag kang magpakahibang. Kung alam mong hindi ka mahal ng isang lalaki, bakit mo ipipilit ang sarili mo? Magpakatotoo ka Pia. Hindi mo puwedeng pakisamahan nang habambuhay ang lalaking walang pag-ibig sa iyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending