Dear Dr. Love,
Bukas Pasko na. At sa pagsapit ng dakilang araw na ito ng pagsilang ng Panginoong Jesus, nais kong makagawa ng isang magandang sakripisyo para sa kaarawan ni Jesus.
Isa itong makatotohanang pagtitika para mabawasan ang pagkakasala at makapagpaligaya ng isang pamilya.
Hinihiling ko po na ilathala ninyo ang liham kong ito bago pa ako magpakalayo-layo para hindi na makagambala pa sa pananahimik at pagbabagong buhay ng isang pamilya.
Sana po, mabasa ito ni Dona, ang babaeng inagawan ko ng asawa at ng kanilang dalawang anak na pansamantalang nawalan ng ama nang piliin ako ni Leo para pakisamahan.
Na-realize ko po na kahit ako ang kapiling ng lalaking minahal ko nang lubos, hindi ko kayang ganap na mapaligaya siya dahil nasa isip pa rin niya ang pamilya lalo na ang dalawang bata.
Hindi sapat ang salaping ginagastos ko para ganap na mapasa-akin si Leo.
Kaya sa Paskong ito, ibinabalik ko na si Leo sa kanyang asawa at mga anak. Sana, mapatawad nila ako sa ginawa kong pag-angkin sa asawa at ama ng mga nilalang na siyang higit na may karapatang legal sa napusuan kong lalaki.
Matagal ko itong pinag-isipan. Bago pa man dumating ang approval ng aking immigrant status sa isang bansang kanluranin. Sana, mapatawad ako ni Leo sa paglayo ko sa kanya. Alam kong mauunawaan siya ni Dona at mga anak at liligaya na sila.
Maraming-maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito. Sana’y maging maligaya rin ang Pasko ninyo Dr. Love.
Yours truly,
Melissa
Dear Melissa,
Dakila rin ang puso mo. Sa Paskong ito, alam kong lumuluha ka man kahit nilayuan mo ang lalaking minahal mo, magiging mapayapa ka naman maging ang iyong isip at gagaan ang iyong pakiramdam.
Iyan ang diwa ng Pasko, magpaligaya sa iba kahit isakripisyo ang sariling kapakanan.
Mapapatawad ka ng pamilya ni Leo kahit noong una, pinaluha mo sila.
Mapalad daw ang nagbibigay kaysa tumatanggap kaya’t segurado kong may kapalit itong kaligayahan mula sa itaas.
Merry Christmas and Happy New Year.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)