Dear Dr. Love,
Itago mo na lang po ako sa pangalang Mercedita. Ako po ay taga Region 3.
Sa edad na magtatalumpo na, nasumpungan ko po ang sarili na tila naghahabol na sa pagkawala ng aking edad sa kalendaryo dahil walang nanliligaw sa akin. Hindi naman po ako nagtataka dahil ako na mismo ang nagsasabi na hindi ako maganda. Ang tanging asset ko lang, maganda ang aking katawan at mga binti.
Kaya nang makilala ko si Andres (hindi niya tunay na pangalan) isang kunduktor ng bus na nagbibiyahe sa aming lalawigan, kinaibigan ko siya ng husto. Bukod sa napapakinabangan ko siya sa pagbibiyahe ng libre pagluwas sa Maynila para mamili ng mga paninda sa aking tindahan, gusto ko ring ligawan niya ako.
Nangyari naman ang ambisyon ko. Kahit alam kong mayroon na siyang asawa at anak, pinatulan ko pa rin siya.
Sa kaibuturan ng puso ko, naroon ang paghahangad na sana ako na ang tuluyan niyang pakisamahan. Kaya inaya ko siya na kami na lang ang magsama at ako na ang bahala sa sustento sa pamilya niya. Pero hindi siya pumayag. Mayroon na anya siyang anak na dalaga at ayaw niyang mangyari sa kanya ang aming relasyon.
Masakit tanggapin ang katotohanang ito, Dr. Love. Wala nga pala akong karapatang magdikta kay Andres dahil libangan lang niya ako at mapagkukunan ng tulong pinansiyal.
Kaya, masama man sa aking loob, minabuti ko nang tapusin ang lahat sa amin. Hindi ko pala kayang maging isang mistress lang at isang sugar mommy.
Hindi na nga kami nagkikita ngayon ni Andres. Para akong napilayan. Nawalan ng isang paa at kamay. Minahal ko na rin siya pero hindi naman niya ako minamahal.
Sa ngayon, iniiyakan ko na lang ang aking naging kahibangan. Umaasa pa rin na makakatagpo ng ibang magmamahal nang wagas at walang sabit.
Maraming salamat po at more power.
Truly yours,
Mercedita
Dear Mercedita,
Salamat na lang at nagising ka sa isang masamang panaginip. Ang pag-ibig ay kusang dumarating kung talagang ukol para sa iyo. Hindi ipinipilit at hindi sapilitang hinahanap kung wala pang tamang lalaking dumarating sa buhay. Hindi porke’t nagkakaedad ka na, kahit sino na lang ay aakitin mo para lang magkaroon ka ng isang nagmamahal.
Mahirap din na ikaw lang ang nagmamahal dahil ang pag-ibig ay kailangang may katugong damdamin mula sa iyong minamahal. Huwag mo nang iyakan pa ang nagawa mong kamalian. Tandaan mo na lang ito at huwag nang muling uulitin dahil ikaw lang ang masasaktan.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)