Anak sa labas

Dear Dr. Love,

Ito po ay unang liham ko sa malaganap ninyong column.

Sa totoo lang po, nag-aalinlangan akong maglahad ng malungkot na bahagi ng buhay ko lalo na’t dapat magsaya sa panahon ng Kapaskuhan.

Pero nahihirapan po talaga akong magsaya matapos kong malaman na anak ako sa labas ng aking ina. Ang kinagisnan kong ama ay pangalawang asawa ng aking ina at siyang ama ng apat ko pang mga kapatid. ‘Di bale panganay ako sa isang babae at tatlong nakababatang mga kapatid. Kaya po pala iba ang trato sa akin ni papa.

Ang lahat po ng ito ay ipinagtapat sa akin ng aking tiyahin, na siyang dinadaingan ko ng aking mga problema, lalo na kung napapalo at napapagalitan ako ni papa.

Itinanong ko rin po sa aking ina ang tungkol dito, pero hindi po siya nakapagsalita. Sa halip ay umiyak. Para po sa akin, isa na itong kumpirmasyon sa totoo kong pagkatao.

Nang mamatay ang kinagisnang kong ama, lalong lumayo ang loob sa akin ng mga kapatid ko. Sa palagay ko po, ipinagtapat na sa kanila ni papa ang tungkol sa akin.

Ang pangyayaring ito ang naging daan para ako ay tamarin na sa pag-aaral dahil damdam ko, kinaiinggitan ako ng aking mga kapatid.

Ako at ang isa ko pang kapatid lamang kasi ang nakapagpatuloy sa pag-aaral dahil kami po ay mas angat sa IQ kumpara sa kanila.

Gusto ko pong hanapin kung sino ang tunay kong ama. Gusto kong maramdaman ang pagmamahal ng isang ama.

Ano po ba ang dapat kong gawin? Tumatanggi naman ang mga kapatid ng aking ina na ipagtapat kung sino ang aking tatay. Hindi nila gustong makialam sa problema ng aking pamilya. Ayaw namang sabihin ni mama ang lahat na pangyayari.

Maraming salamat po at sana maging masaya at mapayapa ang inyong Pasko.

Gumagalang,

Danny Boy

Dear Danny Boy,

Marahil sa tantiya ng iyong ina, hindi pa panahon para malaman mo kung sino ang tunay mong ama. Baka mayroon siyang sariling pamilya na maaaring magulo kung bigla kang susulpot at magpapakilalang anak din niya.

Siguro, hinihintay lang ng iyong mama na makatapos ka ng pag-aaral at maihandang ganap ang iyong kinabukasan bago sabihin ang lahat.

Posible rin naman inaalala rin niya ang damdamin ng iba mong mga kapatid. Panatilihin mo na muna kung ano ang nakagawian mo nang kalagayan sa buhay.

Ang pagiging isang anak sa labas ay hindi naman isang malaking kapintasan sa iyong pagkatao dahil wala ka namang kasalanan dito.

Ang mahalaga, kinilala ka namang anak ng nakagisnan mong ama.

Pagbutihin mo pa ang iyong pag-aaral at hindi dapat na magbago ang iyong pakikisama mo sa iyong mga kapatid. Kadugo mo sila at bilang panganay, ikaw ang kanilang role model.

Happy holidays.

Dr. Love

Show comments