Dear Dr. Love,
Naniniwala ka ba sa gayuma? Tawagin mo na lang akong “loveless,” isang 25 anyos na binata.
Sa edad kong ito’y hindi pa ako nagkaka-girlfriend dahil aaminin kong kulang ako sa kagandahang lalaki. Sabi nga nila, isang anyong tanging ang nanay lang ang magmamahal.
Nadala na akong manligaw dahil lagi akong bigo sa pag-ibig. Ayaw ko namang manligaw ng pangit dahil ayokong magka-anak nang pangit. Ngayon ay may nagugustuhan akong babae.
May nakapagsabi sa aking kumunsulta ako sa isang eksperto sa gayuma. Ibigay ko lang daw ang larawan ng babaeng nagugustuhan ko at magpapalipad-hangin para ibigin din ako.
May napupusuan nga akong babae at talagang gustong-gusto ko. Ok lang bang gamitan ko siya ng gayuma?
Loveless
Dear Loveless,
Kung gusto mo ng gayuma, heto ang maipapayo ko. Maging maginoo ka at mabait at walang dahilang itakwil ka ng babae kahit ikaw ay pangit. Iyan ang tunay na “gayuma.”
Yung mga sinasabi mong palipad-hangin ay sa masamang espiritu iyan at wala kang mapapalang mabuti.
Ang busilak na kalooban at katapatan ang tunay na pang-akit hindi lang sa kasintahan kundi kahit sa mga kaibigan.
Marami akong nakikita riyan na kahit hindi guwapo ay nakakakuha ng magandang kasintahan o asawa. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang panlabas na kagandahan ay kumukupas pero hindi ang mabuting kalooban.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)