Bugnutin si Misis
Dear Dr. Love,
Have a nice day po, isang mapagpalang araw po sa inyo Dr. Love sampu ng iyong mga tagasubaybay araw-araw sa iyong malaganap na column.
Isa po ako sa inyong tagasubaybay dahil kinapupulutan ko ng aral ang mga payo ninyo. Itago n’yo na lang po ako sa pangalang Mr. Tau.
Ako po’y may asawa at anak na isang lalaki, 5yrs old. Ngayon nasa Bohol ang aming anak at inaalagaan ng aking mga magulang. May trabaho po kasi ang asawa ko kaya minabuting iwanan sa nanay ko ang pangangalaga sa anak namin.
Ang problema ko po ay tungkol sa aking asawa na bugnutin at ang pinaka-ayaw ko kapag nagtatalo kami ay nagbabasag siya ng gamit namin sa bahay.
Malapit na po kasing maubus ang pasensiya ko sa kanya. Feeling ko insecure siya lagi, pati mga kapatid niya na kasama ko sa bahay kapag nag-aaway po sila ay pinapalayas po niya.
Naaawa po ako sa mga kapatid niya. Maraming beses ko na siyang kinakausap pero ang hirap po niyang paliwanagan. Sana matulungan n’yo po ako. Dahil baka hindi ko na makayanan at hihiwalayan ko siya. Kaya lang po, ayaw ko lumaki ang anak ko na walang magulang.
Mahal ko po ang asawa ko at pamilya ko kaya tinitiis ko ang ugali ng asawa ko at lagi ko siyang iniintindi, salamat po.
Mr. Tau
Dear Mr. Tau,
Ang unang gawin mo’y alamin ang dahilan ng pagiging bugnutin ng asawa mo. Ang tao ay hindi basta-basta umaakto nang kakatwa nang walang dahilan.
Sabi mo baka insecure. Tanungin mo ang iyong sarili, may dahilan ba para siya ma-insecure? Hindi ka kaya nagkukulang ng atensyon sa kanya? Ang sino mang asawa ay naghahanap ng atensyon at kapag nagkukulang ka ay posibleng mitsa ito ng kanyang pagsusungit.
Ipasyal mo siya kahit minsan sa isang Linggo. Importante ang bonding ng mag-asawa.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)
- Latest
- Trending