Miss prim and proper
Dear Dr. Love,
Isa po akong titser sa high school at history ang itinuturo ko. Sa edad na 32 anyos, hindi pa po ako nagkaroon ng seryosong manliligaw ni boy friend.
Nagtataka ang mga friends ko kung bakit hindi ako lapitin ng mga male. May itsura naman ako, mabait at hindi suplada.
Ang sabi ng iba, maaaring dahil daw sa naiilang sa akin ang mga lalaki dahil parang “manang” daw akong manamit at laging ‘prim and proper”.
Kahit sinong dalaga marahil, hindi nawawalan ng ‘crush” at isa na ako roon. Pero dahil nga sa Miss Prim and Proper ako hindi nalalaman ng kahit best friend ko kung may nasisimpatiyahan akong lalake.
Hindi na ako bumabata pa at hindi ko naman gustong lubugan na ako ng araw na hindi ko man lang nararanasang magka-boy friend. Gusto ko rin namang mahalin at ibigin, magmahal at umibig.
Ano po ba ang dapat kong gawin ? Kailangan ko bang magbago ng anyo? Maging moderno gayong hindi ko naman gamay ang ganitong mga kasuutan.
Hindi po ba alangan sa isang titser na tulad ko na siya pang magbigay ng motibo sa isang lalaki na nakukursunadahan?
Payuhan po ninyo ako.
Sunshine
Dear Sunshine,
Hindi mo kailangang magbago ng imahe para ka lang mapansin ng kalalakihan. Hayaan mong ligawan ka ng lalaki kung ano ka.
Maaaring kailangan mo lang ang kaunting “exposure”. Dumalo ka sa mga sosyalan para makakilala ka ng mga bagong kaibigan.
Bilang isang titser, alangan nga na ikaw ang magpakita ng motibo sa isang lalaki na nagugustuhan mo siya.
Pero marami namang paraan kung paano mo maipapakita na interesado kang makipagkaibigan sa mga nakukursunadahan mong male
Sa pamamagitan ng mga kaibigan mong babae, puwede kang mangumbida sa mga kaibigan nilang lalaki kung may party sa inyong bahay.
Maipapakita mo ang pagiging magiliw sa kanila na hindi ka naman bulgarang nagpapakita ng interest sa kanila.
Alam kong hindi ka basta-basta pumapatol sa lalaki para ka lang magkanobyo kung hindi mo naman kursunada.
Good luck sa iyo.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending