Dahil sa unang pag-ibig

Dear Dr. Love,

Itago mo na lang ako sa pangalang Leo Guerero, 25 years old at kasaluku­yang nakakulong sa pambansang piitan.

 Lumiham po ako sa malaganap ninyong pahayagan at nagbabakasakaling mailathala ninyo ang mapait kong karanasan sa pag-ibig.

Sa kagustuhan kong maisalba ang nanlalamig na pag-iibigan namin ng aking kababatang si Angela, binalewala ko ang mga sinabi ng aking mga magulang at sumige sa pagluwas sa Maynila. Nag-self-supporting ako para makapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo. Pero hindi laging mapagsasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho. Kaya tumigil din ako. Napabarkada at napasama sa instant na pagkakaroon ng pera: pangho-hold up, pagtutulak ng drugs at paggamit na rin nito. Lumiit ang mundo ko hanggang kasama ring madakip at makalaboso.

Dito sa loob, gumuho na ang mga pangarap ko sa buhay. Masakit ang tuluyang pagkawala ni Angela. Pero mas masaklap na nakapiit ako ngayon, hindi alam ng pamilya ko ang nangyari sa akin. Ayaw ko nang dumagdag pa sa sama ng loob nila. Kung nakinig lang sana ako na don na lang sa probinsiya magpatuloy, hindi sana ako nakakulong ngayon.

Huli na ang pagsisisi. Tanggap ko nang hindi ko kayang abutin ang unang pag-ibig. May kaya si Angela, mahirap lang kami. At hindi ko na rin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.

Payuhan mo po ako.

Gumagalang,

Leo Guerrero

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

 

Dear Leo,

Maaaring hindi mo na mabubuo pa ang mga gumuhong pangarap, pero laging may-asa at may pagkakataon na magkaroon uli ng mga bagong pangarap sa buhay.

Sikapin mong magpakabuti dyan sa loob. Kung may pagkakataon kang ituloy ang iyong pag-aaral diyan, gawin mo bilang paghahanda sa muling paglaya mo.

Huwag mong kalimutang tumawag sa Dios na laging kumakalinga.

At sa anumang paraan ay sikapin mo ring maipaalam sa iyong pamilya ang kalagayan mo ngayon.

 Dr. Love

Show comments