Dear Dr. Love,
Nais ko pong humingi ng mahalaga ninyong payo. Ako po ay isang OFW, ito ang nagsisilbing paraan ko para mataguyod ang pag-aaral ng tatlo naming anak ng asawa kong si Rona.
Nawindang ang layunin kong ito nang makilala si Lily, pamilyado rin sa Pinas. Nagkaroon kami ng relasyon at lihim na nagtatagpo.
Nitong huli ay pinagplanuhan namin ang sabay na pagbabakasyon at pagbalik sa ‘Pinas. Pero sa aming tagpuan pasakay ng eroplano ay hindi na sumipot si Lily. Hindi matahimik ang kalooban ko dahil hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa kanya. Katabi ko na sa higaan ang aking asawa, pero siya pa rin ang laman ng isip ko. Hindi ko na rin ma-contact ang cellphone number niya.
Maging sa muling pagbalik ko sa Riyadh hindi na rin kami nagkita. Isang sulat ang dinatnan ko, mula sa kanya. Tinapos na niya ang aming ugnayan. Wala rin daw itong kahihinatnan dahil hindi niya maaatim na maging pangalawa lang niyang prayoridad ang kanyang pamilya.
Hindi na rin daw siya babalik sa kanyang trabaho.
Halos maluha ako sa sama ng loob. Bakit po ganoon? Bakit nagbago si Lily at bakit hindi ko siya makalimutan?
Payuhan mo po ako.
Jake
Dear Jake,
Namulat lang si Lily sa katotohanang walang magandang patutunguhan ang inyong relasyon dahil kapwa kayo may pamilya.
Nakita niya na mahal niya ang kanyang pamilya at hindi niya kayang mawala ang pagmamahal ng asawa at anak.
Sa halip na sumama ang loob mo sa kanya, pasalamatan mo siya dahil tinapos na niya ang maling naumpisahan ninyo. Malilimutan mo siya kung tutulungan mo ang sariling makalimot.
Hindi matutumbasan ng saglit na pagkakakilala ang matagal na panahong pagsasama ninyo ng iyong asawa at pagbubunga ng tatlong supling ng inyong pagmamahalan. Lagi mo sanang isipin ‘yan at itutok ang iyong atensiyon sa kanila para hindi ka maagaw ng tukso.
Dr. Love