Dear Dr. Love,
Ngayon ko pinanghihinayangan ang nasayang na pag-ibig dahil sa pagkawala sa akin ni LInda, dulot ng pagiging makitid ko sa pagpapasya noon.
Naging huli na ang aking pagsisikap na mapabuti ang buhay dahil nawala nang tuluyan ang babaeng pag-aalayan ng lahat ng ito. Isang maganda at matalinong dilag na hindi akalain ng marami na mapapaibig ko dahil bukod sa pagbubulakbol, kilala rin ako na mahina ang ulo.
Hindi ko matanggap noon ang pakiusap ng nanay ko na vocational ang kursong kunin dahil, kapos kami. Kaya pinili ko ang magbarkada. Pinaalalahanan ako ni Linda pero binalewala ko. Inaya ko siyang magtanan, na agad niyang tinanggihan dahil mahalaga para sa kanya ang kinabukasan. Nakipag-break siya sa akin.
Dito na tuluyang nadiskaril ang buhay ko. Napasama ako sa illegal na aktibidad ng barkada, malaki ang hatian sa robbery hold-up at pagdadala ng droga sa mga bumibili nito. Pero kalaunan natiklo rin ako.
Talagang nasa huli ang pagsisi. Pero nagsisikap ako na maituwid ang lahat. Nag-aaral ako ngayon ng vocational sa loob ng bilangguan, inspirasyon ko dito ang patuloy na pagsuporta sa akin ng aking pamilya.
Maraming salamat po sa inyo at more power.
Jun Sandoval
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Jun,
Kahit huli na ang pagsisisi, huwag kang panghinaan ng loob sa mithiing magbago na.
Nawala man ang dati mong nobya, mayroon ka pa ring pagkakataong makatagpo ng babaeng iibig uli sa iyo kahit nakulong ka.
Bukod sa pagpapakatatag sa sarili, ang bentahe mo, inaalalayan ka ng iyong pamilya para ganap kang mareporma at malagpasan mong lahat ang mga balakid sa buhay.
Huwag mong kalimutang manalangin para patawarin ka ng Maykapal sa lahat na kamaliang nagawa mo. Idalangin mo rin maging matatag ang kalooban mo sa mga tukso para madali kang makabalik sa lipunan.
Dr. Love