Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo. Sana sa pagtanggap ninyo ng sulat kong ito ay nasa mabuti kayong kalagayan. Ako nga po pala si Jaspher, gusto ko lang po sanang humingi ng payo about my love problem.
Ilang beses na po kasi akong nasasaktan sa girl. Minsan may girl talaga akong sobrang minahal pero ang iginanti sa akin ay panloloko. Kasi pagkaharap ko siya tinatanong ko naman siya kung talagang mahal niya ako. Pero ‘yun pala may iba pa siya, maliban sa akin. Talaga po pala na kapag wala kang maipagmamalaking kaguwapohan ay ganyan ang mangyayari sayo.
Kaya magmula noon parang nawalan na ako ng tiwala sa mga babae. Kaya humihingi po ako sa inyo ng payo, Dr. Love kung ano ang gagawin ko, parang hindi ko na po kayang magmahal muli. Please po help me. Kung maaari po sana gusto ko po mabigyan n’yo ako ng babaeng tunay kung magmahal...’yung hindi ako lolokohin.
Maraming salamat po sa inyo and God bless..
Love and care,
Jaspher
Dear Jaspher,
Natural lamang ang nararamdaman mong pagkadismaya sa mga nangyaring kabiguan sa pag-ibig. Pero huwag mo sanang hayaan na maging dahilan ito para mawala ang iyong tiwala sa mga kalahi ni Eva.
Marahil, sadyang hindi nakalaan sa’yo ang mga babaeng natitipuhan mo at nakakarelasyon. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Dahil bawat isa sa atin ay may itinakdang makakapareha. Anong malay mo, malapit mo nang makilala ang babaeng magmamahal sa iyo ng tapat.
Dapat mo rin alalahanin na hindi lamang ikaw ang nasasaktan sa pagmamahal, kundi lahat ay nakakaranas nito. Maaaring magkakaiba lang ang sitwasyon. Pero gaya ng sinasabi ng iba, mas mabuti na ang magmahal at masaktan kaysa hindi ito maranasan kailanman.
Goodluck sa’yo, at sana sa pamamagitan ng column na ito ay matagpuan mo ang babaeng magpapabago sa iyong mga pananaw tungkol sa pagmamahal.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)