Nagmumurang kamias
Dear Dr. Love,
Itago mo na lang po ako sa pangalang Mimi, 16 years old, taga Pasig City.
Ayaw ko po sanang malantad pa ang problema ng aming pamilya na siyang ikinade-depress ni Mommy. Kami man po ng mga anak nila ay apektado dahil palagi silang nag-aaway.
Kung kailan pa kasi nagkaedad si Daddy, saka pa natutong mag-chicks. Nag-aastang bagets pero malapit na siyang malipasan ng panahon.
Kasi po naman, nabisto siya ng Mommy namin na nahuhumaling sa isang batang-batang sekretarya ng isang kasamahan sa opisina.
Naitsismis pala ito ng asawa ng hepe ng opisina na pinapasukan ng sekretarya na kaibigan ng aming pamilya.
Parati raw idini-date ni Daddy ang sekretaryang ito. Kaya pala palaging makulay ang polo at t-shirt ni Daddy. Si sekretarya pala ang pumipili ng kanyang mga damit.
Siyempre malaking confrontation ito ng Mommy at Daddy ko.
Ang akala namin, naawat na si Daddy sa babaeng iyon. Nag-resign kasi sa opisina. Pero inilipat lang pala ni Daddy sa opisina ng isa pang kaibigan.
Ano po kayang mabuting gawin para maawat na ang ama ko sa kanyang pagbibinata? Naguguluhan na po kami.
Ayaw naming mauwi ito sa bantang paghihiwalay nila. Nakakahiya po ito. Isang malaking iskandalo.
Maraming salamat po at more power to you. Hintayin ko po ang inyong makabuluhang payo.
Mimi
Dear Mimi,
Bakit hindi ninyo subukang magkakapatid na kausapin ang inyong ama?
Baka siya makonsiyensiya at malimot na ang pagmumurang kamias niya.
Isa pa, seguro kausapin din ninyo ang inyong Mommy. Baka naman mayroon din siyang pagkukulang sa inyong ama kaya nagaganyak siyang maghanap ng sariwang Daisy.
Kung minsan kasi, kapag nawala na ang lambing ng isang asawa at laging nagna-nag ang babae, nawawalang gana ang lalaki. Natututo tuloy humanap ng mas bata.
Mag-ayos dapat palagi ang isang babae, kahit nagkakaedad na para palaging pleasing sa mga mata ng esposo.
Bigyan din ng pagkakataon ninyong mga anak ang mga magulang na mag-renew ng kanilang panahon ng pagliligawan para laging mayroong surpresa sila sa isa’t isa.
Tulungan ninyo ang mga magulang na ma-renew ang kanilang pag-iibigan para sa katiwasayan ng pamilya.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending