Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang po akong Mr. Yoso. I am working here in Saudi Arabia bilang isang mechanical administrator.
Dahil maganda naman ang kita ko, tumutulong ako sa aking mga kamag-anak. Nais ko na bago ako lumagay sa tahimik, nasa maayos na rin ang buhay ng aking pamilya.
Bagaman malayo ako sa bansa, mayroon akong naiwang nobya. Nag-aaral din siya at nagtatrabaho. Mabait siya, maunawain, malawak ang pang-unawa at responsable. Sa kanya ko ipinagkakatiwala ang ipinapadala ko para sa aking mga kamag-anak.
Una walang problema, pero unti-unti na akong nakakatanggap ng hindi maganda mula sa aking mga kamag-anak laban sa kanya. Hindi na naibibigay ang pera. At ang katwiran ay ang pagiging abala ng aking girlfriend.
Pinilit kong alamin ang totoo, kinausap ko siya maging ang aking mga kamag-anak. Maraming hindi tugmang detalye ang aking girlfriend. Sa madaling salita, mga kamag-anak ko ang sa tingin ko ay nagsasabi ng totoo.
Payuhan po ninyo ako Dr. Love mukhang malas talaga ako sa babae.
Sa ngayon, naghahanap na ng mga bagong kakilala at kaibigan. Ang facebook account ko ay tazmania-1002000@yahoo.com
Mr. Yoso
Kingdom of Saudi Arabia
Dear Mr. Yoso,
Salamat at maaga mong nakilala ang tunay na ugali ng babaeng minahal mo.
Minsan pang napatunayan na lahat ng sobra ay nakasasama. Labis ang naging pagtitiwala mo sa ex mo, pati ang para sa mga kamag-anak mo ay pinayagan mong hawakan niya. Kaya hindi nakapagtataka na dumating sa puntong, akalain niyang ok lang sa iyo ang lahat.
Gayunman, sakaling umuwi ka mas mainam na alamin mo pa rin ang tunay na nangyari. Anuman ang mapatunayan, mula doon ay tuluyan mo nang tuldukan ang lahat at magsimula ng panibago.
Nawa’y lagi mong maisaalang-alang ang naging karanasan mo sa ex mo, sa mga susunod mo pang relationship. Huwag ibuhos ang pagtitiwala at hangga’t maaari idirekta mo na ang iyong pinaghirapan sa mga mahal mo sa buhay.
Dr. Love