Relihiyon o Pag-ibig?

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Tawagin n’yo na lang ako sa pangalang Ellen. Sumulat ako sa inyo dahil sa isang mabigat na problemang maaaring kayo lang ang makakapagbigay ng karampatang payo.

Mayroon akong boyfriend na nakipagkalas sa akin dahil bawal daw sa kanilang relihiyon ang makipagkasintahan. Pero muli niya akong binalikan dahil mahal daw niya ako.

Nagkabalikan nga kami dahil mahal ko siya pero lihim ang pagkakabalikan namin dahil mapapagalitan siya ng mga kasamahan n’ya sa kanilang simbahan.

Ngayon, nagkaproblema siya kung sino ang pipiliin niya, ako ba o ang relihiyon niya. Gusto kong ako ang piliin niya pero may parusa na­mang kapalit at ayaw ko rin masaktan siya. Ano ba ang aking maipapayo sa kanya?

Ellen

Dear Ellen,

Sabihin mo sa kasintahan mo na umalis sa kanyang relihiyon dahil mapapahamak ang kanyang kaluluwa dahil sa maling turo.

Kailan pa itinuro ng Salita ng Dios na bawal ang magkaroon ng kasintahan? Ang pagka­karoon ng kasintahan ay paghahanda sa pagka­karoon ng asawa. Itinakda ng Dios na mag-asawa ang babae at lalaki para hindi maputol ang lahi ng tao.

Ang itinuturo ng Biblia ay manatiling single o walang asawa kung kaya ng tao pero kumuha ng asawa kung hindi kayang magtimpi sa halip na masunog sa masidhing pagnanasa.

O baka naman ang ibig sabihin ay bawal makipag-relasyon sa taong iba ang relihiyon. Kung iyan ang kaso, dapat nga siyang mamili. Relihiyon o ikaw na sinasabing mahal niya?

Kung pipiliin niya ang kanyang relihiyon, desisyon niya iyon kahit sa pananaw natin ay mali. Wala tayong magagawa riyan. Dapat mag­pasya na siya ng maaga para maipag­patuloy mo ang buhay mo.

Dr. Love

 

(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)

Show comments