Away-bati
Dear Dr. Love,
Ako po ay nangangarap lamang ng isang maayos at magandang pamilya nang makilala ko ang aking asawa. Pero taliwas po ang nangyari sa aking buhay.
Dahil sa loob ng tatlong taon naming pagsasama ay puro away-bati ang laging nangyayari sa amin. Ilang beses na rin po kaming nagtangkang maghiwalay ngunit pilit naming inaayos para sa aming anak.
Nitong huli, nakalulungkot mang isipin na ang pag-agaw ko sa pinakatatagong simcard ng asawa ko at pagbali dito ang tuluyang nagpalabo sa sitwasyon ng aming pamilya. Dahil sa ginawa ko raw ay wala nang chance na maaayos ang aming pamilya.
Hindi rin siya nagbibigay ng pangsuporta sa aming anak, katwiran niya ay mas malakas naman daw akong kumita. Kaya mabubuhay daw ako. Pabigat po ang tingin niya sa sarili niya
Naawa po ako sa anak ko dahil lalaki s’yang broken family. Sinubukan ko nang kausapin ang asawa ko pero ayaw na raw niya talaga. Dahil wala naman daw mangyayari, mag-aaway at mag-aaway lang kami ng paulit-ulit.
Kung sakali po bang makapag-isip na s’ya ng mabuti at s’ya naman ang humingi ng pagkakataon na maayos kami ay tatanggapin ko ba s’ya?
Maraming salamat po. Sana’y matulungan n’yo po ako at mabigyan ng payo.
ALG
Dear Ms. ALG,
Kung kasal ka sa iyong asawa, ito ay sagrado at laging dapat pagsikapan ng lalaki at babae na ipreserba ang pamilya lalu pa’y may anak. Ngunit kung minsan, may mga pagkakataong talagang ayaw nang makipagkasundo ng isa. Maaaring ito’y dahil sa third party o ibang dahilan.
Sa ganyang pagkakataon, ipaubaya mo na ito sa Panginoong Dios. Panalangin at pagbabasa ng Biblia ang magbibigay sa iyo ng karunungan upang makagawa ng tamang desisyon. Talagang ang pag-aasawa ay may lakip na sakripisyo na dapat harapin ng tao.
Dr. Love
- Latest
- Trending