Dear Dr. Love,
Marami ang nagsasabi noon sa akin na bulag daw ang pag-ibig dahil hindi ko nakikita ang kapintasan ng aking minamahal. Dahil ito sa minahal ko si Melvin sa kabila ng katotohanang isa siyang school dropout, walang pirmihang trabaho at ang sabi nga ng aking ina, isa siyang Mr. Palitaw, lulubog-lilitaw.
Hindi ko pansin noon ang mga pasaring na ito sa katauhan ni Melvin, hanggang sa ako na mismo ang nakasaksi kung ano talaga siya.
Minsan, magkasama kami para manood ng sine. Pinapasok niya ako sa isang groserya para bumili ng mga sitsirya at hihintayin na lang daw niya ako sa labas.
Napadali ang pagbili ko sa tindahan at tamang-tamang lumabas na ako nang kitang-kita ko kung paano niya inagawan ng bag ang isang may edad na babae at itinulak niya ito. Nadapa sa semento ang matandang yaon at pumutok ang kanyang ulo.
Hindi siya namatay sa pagkakabagok kundi dahil sa inatake siya sa puso bunga ng insidente.
Ang dati kong pagmamahal kay Melvin ay nauwi sa pagkasuklam.
Ako mismo ang boluntaryong nagsabi sa mga humabol na pulis kung sino ang taong umagaw ng bag at nagtulak sa matanda.
Ako mismo ang siyang tumestigo kay Melvin nang kasuhan siya sa korte.
Labag sa prinsipyo ko ang magkanlong ng kriminal at lalong ayaw kong nagogoyo ako ng mga taong nagkukunwaring mabait pero manggagantso. Sa ngayon, si Melvin ay nakakulong.
Lumiham po ako sa inyo matapos na mabasa ko sa inyong pitak kamakailan na isang bilanggo ang naghihimutok sa pagdidiin sa kanya ng nobya sa kasong pagpaslang kaya siya nakulong.
Sana po kapulutan ito ng aral ng kapwa ko na hindi puwedeng pairalin lagi ang puso sa larangan ng pag-ibig.
Maraming salamat po at more power.
Kay
Dear Kay,
Salamat sa liham mo at sana nga, magsilbing tagapagpagunita ito sa kababaihan na hindi sila dapat magbulag-bulagan sa pangit na katauhan ng minamahal.
Maganda ang hangarin mong maturuan ng leksiyon ang dati mong boyfriend at marahil, udyok din ang ginawa mo nang hindi mo matanggap na nagoyo ka ng isang tulad ni Melvin.
Matapang kang babae at hindi mo inalintana na baka sa dakong huli, balikan ka nito sa sandaling makalaya na siya sa piitan. Hanga ang pitak na ito sa katapangan ng iyong loob.
Dr. Love