Hanggang tatlo lang
Dear Dr. Love,
Isa pong masaganang pangungumusta sa inyo. Isa akong karaniwang maybahay na may tatlong anak.
Mula nang magkaroon ako ng karamdaman, sa bahay na lang ako. Ang asawa ko naman ay isang karpentero. Salamat na lang at hindi siya nababakantehan ng trabaho.
Ang problema ko po, hindi ko na nais na magdagdag pa ng anak. Ang tatlo naming mga tsikiting ay pawang nasa elementarya at nangangarap naman kaming kahit isa o dalawa sa mga ito ay makatapos ng kolehiyo para naman umangat ng konti ang aming buhay.
Nagkasundo kami ng aking asawa sa desisyong ito. Pero sa pagsisikap naming hindi manggigil sa isa’t isa, hindi na kami magkatabing matulog. Pero hindi naman laging puwede ito sa mister ko.
Ayaw ko po namang maghanap ng aliw ang asawa ko sa ibang babae. May hitsura pa naman siya. Hindi po ba makasasama kung gumamit kami ng kontraseptibo?
Maraming salamat po at more power.
Teresa
Quezon City
Dear Teresa,
Ang desisyon kung ilan dapat ang maging anak ninyo ay nasa inyong mag-asawa. Dahil nasa inyo rin ang responsibilidad sa pagtataguyod sa mga ito.
Isa nga sa pamamaraan ng pag-iwas ng pagdadalang tao ay hindi pagsisiping. Pero sa kasalukuyang henerasyon, bukod dito ay may mga paraan na, na makakatulong para hindi magbuntis.
Kaya hindi kailangan, na hindi kayo magtabi. Alamin ninyo kung ano ang tutugma sa inyo, magtanong sa pinakamalapit na health center para magabayan kayo tungkol dito.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending