Isang gabi ng kasalanan

Dear Dr. Love,

Magandang araw. Itago n’yo na lang ako sa alias na Lonely Heart, isang misis na hiwalay sa asawa.

Limang taon kaming nagsama ng mister ko at sa loob ng mga panahong iyon ay maayos ang aming pagsasama. Nagkaroon kami ng isang anak.

Pero dumating sa buhay namin ang pagsubok na pinagsisisihan ko. Nahumaling ako sa ibang lalaki.

Amerikano siya na nakilala ko sa party ng isang kaibigan. Siguro dahil sa pagkalango sa alak ng gabing ‘yon, nagkaroon ako ng one night stand. Ang masaklap, nagbunga ang isang gabi ng kasalanan na iyon.

Noong buntis ako’y kinakabahan ako dahil alam kong iba ang itsura ng bata kapag naisilang na.

At nangyari ang kinatatakutan ko. Pinalayas ako ng aking asawa kasama ang aking baby. Abot-abot ang aking paghingi ng tawad pero ayaw akong patawarin ng asawa ko. Ano ang aking dapat gawin? Mahal ko ang aking asawa.

Lonely Heart

Dear Lonely Heart,

Sa buhay ng tao, malaya tayong gawin ang ating gusto, mabuti man o masama. Pero sa bawat bagay na gawin natin ay may karampatang consequence ito na dapat nating harapin.

Sa kaso mo, ang isang gabi ng pagkakasala ay nagdulot sa iyo ng habambuhay na kalbaryo.

Hindi ko alam kung patatawarin ka pa o hindi ng asawa mo. Pero magtiyaga kang humingi ng tawad at baka sakaling mapaglubag mo ang kan­yang puso. Kung umabot na sa kasukdulan at wala pa ring nangyayari, tanggapin mo na lang ang masaklap mong karanasan at magsilbing aral na lang ito sa iyo.

Dr. Love

(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)

Show comments