'Di na natuto

Dear Dr. Love,

Isang mapagpalang araw po sa inyo... naisipan ko po na mag-email sa inyong column para ihanap ng solusyon ‘yung problema ko. Ako po si Jen, 22 years old from Taguig.

At the age of 19 na-inlove na po ako. Halos isang taon din po kami masaya sa isa’t isa. Pero nabago ang lahat nang malaman ko na pamil­yado na pala siya.

Lumipas ang taon, akala ko naka-move on na ako. Lumipat kami ng bahay sa Taguig, pero nagkamali ako. Napasama pa ang paglipat namin nang makilala ko si Dexter.

Na-in love na ako sa kanya nang malaman kong may-asawa rin siya. Bumalik ang dating sakit na naranasan ko. Naisip ko nang mga pana­hong ito, tama na dahil ayaw ko nang masaktan.

Kaya lang nang ma-hook ang atensiyon ko ni Mr. Taurus... nagbago ang takbo ng isip ko. Pero nang lumaon nadiskubre ko na gaya din siya ng mga naunang karelasyon ko... may-asawa na rin pala siya.

Sa sobrang hinanakit, Dr. Love hindi ko maiwasang tanungin ang Diyos kung bakit nagkakaganito ang buhay ko? Mahal ko pa rin si Mr. Taurus, ano po ang dapat kong gawin?

Gumagalang,

Jen

Taguig City

Dear Jen,

May kasabihan na ang karanasan ang pina­ kamabuting guro. Pero nakalulungkot na marami ang hindi natututo at isa ka na riyan. Binigyan ka ng Diyos ng pag-iisip para gamitin. Dapat bago ka pumasok sa isang commitment ay tinitiyak mo na ang manliligaw mo ay walang sabit. Huwag kang padadala sa porma at magandang bukadura. Ewan ko ba kung bakit pagdating sa pag-ibig ay maraming nasisira. Puro puso kasi ang ginagamit at hindi na ginagamitan ng rason. O ano, uulit ka pa?

Dr. Love

Show comments