Nagparaya

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo! Masugid akong taga­pagtangkilik ng inyong column. Ilang beses na rin po akong sumulat, salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa mga liham ko. Nagkaroon po ako ng maraming kaibigan sa panulat at kabilang dito si Maya.

Kalakip ng unang liham niya sa akin ay ang kanyang larawan. Sa umpisa pa lang po ay aminado akong nabihag na niya ang damdamin ko. Bukod sa panlabas, maging ang panloob niyang kagandahan ay nahulog na ako.

Ikinabigla ko ang biglaang pagdalaw niya sa akin dahil ilang buwan pa lang kami magkakilala. Ipinagtapat niya ang kanyang kondisyon. May sakit siya sa puso.

Pero sa kabila nito ay naging magaan ang loob namin sa isa’t isa. Hanggang ang sumunod naming pagsusulatan ay puno na ng pagmamahalan.

Minsan siyang naospital kaya naputol ang aming pagsusulatan. Nang bumuti ang kanyang kondisyon ay nagpanay-panay na naman ang aming komunikasyon. Ngunit napag-isip-isip ko Dr. Love na putulin na ito, para rin sa ikabubuti ni Maya. Ginusto kong kalimutan na niya ako dahil wala akong maibibigay na magandang bukas.

Hanggang muli siyang dumalaw kasama ang isang kaibigan, na pinakiusapan ako na putulin na ang pakikipag-ugnayan kay Maya. Masakit man ay pilit kong tinatagan ang loob ko at sinabi kay Maya na may makikita pa siyang mas higit sa akin. Iyak siya ng iyak. Parang madudurog ang puso ko.

Subalit naiisip ko na mabuti na rin na magkahiwalay kami dahil wala sa timing ang aming pagkakatagpo sa isa’t isa. Ayaw ko na masisi pa ko ng kanyang pamilya kung lalala ang karamdaman niya.

Marahil kapag nakalaya na ako at pareho pa kaming malaya, saka ko siya hahahanpin para tanungin kung matatanggap pa niya ako.

Hanggang sa muli Dr. Love. Salamat sa mga payo mo sa akin.

Dante Salcedo

MSC Building

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

Dear Dante,

Nauunawaan ng pilak na ito ang ginawa mong pagpapalaya kay Maya. Natitiyak namin na sa dakong huli ay maiintindihan niya ang maganda mong intensiyon sa pakikipagkalas sa kanya.

Maganda rin ang binabalak mong pakikipagbalikan sa kanya sandaling makalaya ka na. Hangad ng pitak na ito na makatagpo ka ng kaibigan na makakaunawa sa iyo sa kabila ng iyong kalagayan.

Dr. Love

Show comments