Usig ng konsiyensiya

Dear Dr. Love,

Naganyak po akong lumiham sa inyo mula sa kinaroroonan kong piitan udyok ng ilang insidente sa sasakyan na naganap kama­kailan lang na pinagbuwisan ng maraming buhay.

Ang pagkahulog ng bus sa Benguet na ikinasawi ng 41 katao at ang banggaan ng isang pribadong sasakyan at bus sa Bicol na ikinasawi ng tatlong katao kabilang ang isang dating beauty queen.

Nanariwa ang sarili kong karanasan, nakabundol po ako ng isang tao at siya ay namatay.

Mabilis ang pagpapatakbo ko ng bus at bigong nakaiwas sa kinatatayuan ang matanda.

Sumuko ako at ngayo’y nakakulong. Pero inuusig pa rin ng konsensiya dahil sa pagkamatay ng isang tao.

Salamat po sa pitak n’yo dahil kahit paano napapagaan ang “guilty feeling” ko.

More power.

Gumagalang,

Victor Salamanca

MSC Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

Dear Victor,

Ibayong pag-iingat ang kakambal ng pagiging driver ng isang pampasaherong bus. Buhay mo at ng mga pasahero maging ng mga nasa kalsada ang dapat isaalang-alang.

Mahalaga rin na matiyak ang pagka­karoon lagi ng sapat na pahinga para anu­man ang hindi inaasahan ay maging mali­naw ang takbo ng isip at makaiwas sa disgrasya. Pairalin ang disiplina sa tuwina.

Hangad ng pitak na ito na malimutan mo ang trauma na dinanas dahil sa pangya­yaring ito. Sana magkaroon ka rin ng kaibi­gan na makatutulong sa iyo para makalimot sa bangungot na ito ng iyong buhay.

Dr. Love

(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)

Show comments