Sawi sa pag-ibig

Dear Dr. Love,

Kalakip ng liham na ito ang isang pagbati at walang katapusang paghanga sa column ninyo.

Itago mo na lang ako sa pangalang Efren. Isa po akong inmate dito sa pambansang bilangguan. Bago pa ako nakulong, nakilala ko si Lanie. Siya ang babaeng may-ari ng bag na nabawi ko mula sa mga snatchers. Matapos kong masukol sa tulong na rin ng mga nagmalasakit na taong bayan.

Naging simula ito ng pagakakaibigan namin. Napakabait niya sa akin kaya naman hindi ko napigilang mahulog ang loob ko sa kanya kahit alam kong alangan kami sa isa’t isa. 

Minsan, ako naman ang nagyayang kumain kami. Masaya ako sa pagpayag niya pero ito na pala ang kasawian ng puso ko. Magpapaalam na siya para umuwi sa kanilang probinsiya para doon magturo sa kolehiyo at magpakasal sa kanyang nobyo.

Sa kasawian kong ito Dr. Love, nawalan ng direksiyon ang buhay ko. Nasangkot ako sa pagtutulak ng droga na siya kong ikinakulong. Pagpayuhan po ninyo ako Dr. Love.

Maraming salamat po sa paglalathala ninyo ng liham kong ito.

Gumagalang,

Efren

Dear Efren,

Ang kasawian sa pag-ibig ay hindi dapat na maging dahilan para magwala at magpakasama. Dapat, magsilbi itong hamon kundi man inspirasyon para pagbutihin mo ang paghahanap buhay, maiangat ang sarili.

Maaaring napagkamalan mo lang ang kabutihang loob sa iyo ng babaeng tinulungan mo at kung magiliw man siya sa iyo, dahil sa laki ng utang na loob.

Makakatagpo ka pa rin ng babae para sa iyo.

Dr. Love

Show comments