Dear Dr. Love,
Nais ko sanang huwag nang ilathala ang tunay kong pangalan. Isa po akong mananampalataya. Isang estudyante ng Salita ng DIYOS. Bawat doktrina na aking kinatatayuan ay pawang spiritual lamang. Ako po ay isang ofw. Hindi ko mai-open ang isyu ng buhay ko sa mga katulad kong mananampalataya at maging sa aming pastor dito sa KSA. (I mean ‘yung aking struggle).
Ako po ay married na at may 3 anak. Ang pamilya ko ay sa bahay lang sa Negros Occ., at ako naman ang naghahanapbuhay sa Middle East. Wala akong pagkakataon na madala sila dito. In short na mi-miss ko ang buhay sekswal naming mag-asawa kaya nauuwi lagi ako sa pagpapantasya sa aking maybahay, mga bagay na aming ginagawa bilang mag-asawa.
May pagkakataon na ako ay nag-sasarili at nakakasulyap pa rin ng mga larawang malalaswa. Alam ko sa aking pananampalataya na ako’y ligtas! Sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa mabubuting gawa. (Eph 2:8-9)
Lagi kong inaasam-asam na sana ay malapit na ang araw ng bakasyon ko. Nais ko na humingi ng payo sa inyo. Ako rin ang naka-akay sa misis ko upang tanggapin ang Panginoon. Minsan sa palaging pagtawag ko thru phone ay lagi kong nasasambit ang mga experience namin sa sex. Lagi akong humihingi ng tawad sa DIYOS Subalit nanaig ang aking carnality.
Please advise me what to do.
Anonymous
Anonymous,
Naging exhortation ni Apostol Pablo sa mga mananampalataya, lalu na ‘yung mga church workers na mabuti ang hindi pag-aasawa pero kung matindi ang tawag ng laman, mas makabubuting mag-asawa at huwag manatiling single. Ibig sabihin, walang excuse para magpakahulog tayo sa tukso ng laman kahit ano pa ang dahilan. Sa Roma I :1-2 sinasabing i-alay natin ang ating mga sarili bilang buhay na handog na katanggap-tanggap sa Dios.
Malinaw ang tagubilin ng Salita ng Dios na huwag ibulid ang sarili na templo ng Dios sa sexual immorality. Kaya ako’y hindi pabor sa pagwawalay ng mag-asawa nang mahabang panahon. Pero madalas, kailangang magpakalayo para maghanap-buhay para sa kapakanan ng pamilya.
Kung hindi mo maisasama diyan ang iyong misis at anak, mas mabuti siguro na kapag natapos ang iyong contract ay magbalik ka na lang sa Pilipinas at ang ano man ang naipon mo ay pagsinupin ninyong mag-asawa sa pagtatayo ng maliit na negosyo tulad ng tindahan. Sa ganyang paraan ay puwede ka pang maglingkod sa kinaaaniban mong lokal na iglesia.
Isa pa, huwag kang mangingiming konsultahin ang iyong Pastor sa ano mang problema dahil iyan ang tungkulin ng mga church leaders para maging tuwid ang tinatahak na landas ng kanilang kasapi. Naniniwala akong hindi ka ibubulid sa kahihiyan ng iyong Pastor.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)