Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang po akong Grace. Ako po ay masugid na tagasubaybay ng iyong column at kagaya nang ibang nagsisulat na sa inyo labis ding humahanga sa inyong mga payo. Sana po ay matulungan ninyo ako sa aking problema.
Dati po akong may live-in partner. Nagsama kami ng ilang taon pero hindi pinalad na magkaanak. Masaya ang simula ng tatlong taon naming pagsasama, pero makalipas ang mahigit dalawang taon nagbago na siya sa akin.
Unti-unti natuklasan ko ang kanyang pagkatao. Na ako’y pang-apat na sa kanyang mga naging ka-live-in at may anak siya sa magkakaibang babae. Maliban lamang sa akin.
Nang huli, naramdaman ko na lang ang panlalamig niya sa akin dahil mayroon na naman siyang ibang kinalolokohan. Napalipat po siya ng destino sa malayong lugar sa kagustuhan niya at doon po lalong lumala ang kanyang pambababae.
Kaya nagdesisyon na lang akong tapusin ang pagsasama namin. Ilang beses ko na siyang nabigyan ng tsansang magbago pero talagang walang pag-asang tumino pa siya.
Palagi akong nagdarasal na sana, makonsensiya naman siya sa mali niyang ginagawa dahil sobra na ang paghihirap ng aking kalooban.
Ngayon po na malaya na ako, nais kong makilala si Dong na kamakailan lang ay lumiham sa inyo, noong Hunyo 10, 2010. Dahil parehas po kami ng kapalaran, gusto ko siyang makilala para magkatulungan kaming limutin ang aming nakaraan. Kagaya niya ako’y magiging matapat na asawa at hindi siya kailanman masasaktan. Ang aking contact no. 09236556776.
Lubos na gumagalang,
Karen Grace Smith St. Francis Homes 7 Ayala Ave., San Antonio, Biñan Laguna 4024
Dear Grace,
Salamat sa liham mo at sa pamamagitan ng pitak na ito, tinatawagan namin si Dong para tumawag siya sa iyo o kaya’y magpadala siya ng liham sa iyo.
Alam mo Karen Grace, mabuti at namulat ka sa katotohanang wala nang martir sa ngayon. Sa totoo lang, marahil ang live-in partner mo ay talagang walang intensiyong magpakasal sa kanyang mga nakarelasyon para mas madali ang break-up.
Sa iyo, mas madali dahil wala naman kayong anak at lalong walang papeles na nagbibigkis sa inyong pagsasama bilang mag-asawa. Wala siyang obligasyong sustento. Dito talo ang isang babae, lalo na kung mayroong mga anak na kailangang sustentuhan.
Masuwerte ka dahil madali kang makapagbabagong buhay, lalo na kung mayroon ka namang sariling kita.
Mula sa karanasang ito, marahil may matututuhan kang magandang leksiyon hinggil sa pakikipagrelasyon. Kilalanin mong mabuti ang napupusuang lalaki at huwag laging pinapairal lang ang puso na naakit sa kaanyuang panlabas.
Kilatising mabuti ang background ng lalaking pagsasanglaan ng puso at huwag padalos-dalos sa pagdedesisyon.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@philstar.net.ph.)