Bahala na ang Diyos
Dear Dr. Love,
Una sa lahat isang mainit na pagbati at pangungumusta sa inyo. Isa po ako sa tagasubaybay ng inyong column, malaking tulong para sa isang katulad ko ang Dr. Love.
Kasalukuyan po akong naghihintay ng pinal na hatol sa aking apela. Nakadisgrasya ako ng tao nang idepensa ang aking sarili sa tiyak na kapahamakan.
Ang pagkakakulong kong ito ang naging dahilan kaya umalis papuntang ibang bansa ang babaeng pinakamamahal ko, matagal na kaming magka-live-in at may tatlong anak. Iniwan niya sa aking hipag ang mga bata at nagtrabaho sa abroad.
Ang miserableng sinapit kong ito ang madalas mag-udyok sa akin na tapusin ang aking buhay, kung hindi pa sa paalala ng mga kaibigan ko dito sa loob.
Nagkakaroon din ako ng pagkakataon na maging bahagi ng gawaing ispirituwal, nagsisilbing pamatid ito sa pagkainip ko dito sa loob. Inihingi ko na rin ng tawad sa Panginoon ang lahat ng mali kong ginawa.
Anuman ang maging kapalaran ko, bahala na sa akin ang Diyos. Sa Kanya ko ipinagkakatiwala ang aking buhay at kapalaran.
Gumagalang,
Rodolfo Gonzales
Dear Rodolfo,
Sana, magtiwala ka sa hustisya at sa ating Panginoon. Hindi ka niya pinababayaan. Marahil binibigyan ka niya ng leksiyon. Positibo ang isipin mo at hindi negatibo. Hindi Niya pababayaan ang mga anak mo. Marahil nangibang-bansa ang kinakasama mo para may ipangtustos sa mga anak ninyo. ‘Yun lang.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending