Dear Dr. Love,
First of all, I would like to greet you a pleasant good day. May our good Lord always shower you with all His blessings.
Lumiham po ako sa inyo para maibahagi ang kuwento ng aking buhay at kung paano ako napasok dito sa bilangguan.
Sa hindi inaasahang pangyayari, nakita ko ang isa sa nakababatang kapatid na pinagtutulungang bugbugin ng hindi kilalang mga tao. Mabilis akong sumaklolo para umawat pero napagbalingan ako. Isa sa mga nambugbog ay bumubot ng patalim na naagaw ko at sa kabiglaan ay siyang naisaksak sa may dala nito, na kanyang ikinasawi.
Hinuli kaming magkapatid at sinampahan ng homicide. Minabuti kong aminin ang pagkakasala para maisalba ang aking kapatid.
Nag-aaral po ako ngayon dito sa loob at sa awa ng Panginoon ay nakatapos na ako ng kursong Auto Diesel Mechanic Course. Balak ko naman po kumuha ng Practical Electricity para sa aking paglaya ay mayroon akong pwedeng mapasukang trabaho.
Kapag tuluy-tuloy ang mahusay kong pagpapailalim sa rehabilitasyon, makakalaya ako sa piitan sa 2013 o tatlong taon mula ngayon.
Hindi ko po pinagsisisihan ang pagsagot sa responsibilidad sa naganap na insidente.
Hanggang dito na lang po at sana magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.
Maraming salamat po at mabuhay kayo.
Lubos na gumagalang,
Michael D. Misa
Medium Security Compound
Camp Sampaguita
Muntinlupa City
Dear Michael,
Isa kang mapagmahal na kapatid. Hindi mo inalintana ang sarili para lang mailayo ang kapatid sa tiyak na pagkakakulong.
Gayunman, sana hinabaan mo ang pasensiya at binalya na lamang ang kalaban kaysa tuluyang pinatay sa saksak. Maaaring nabigla ka sa pangyayari. Kaya hindi mo natantiya ang kalaban. Sa halip na maunahan ka, inunahan mo na lang siya.
Mabuti naman at nagpapatuloy ka ng pag-aaral diyan para maihanda ang sarili sa mapagkikitaan sa sandaling makalaya ka na.
Mabuting hakbang iyan dahil ang isang bilanggo kapag nakalaya na ay hindi naman agad-agad nakakahanap ng empleyo, mabuting mayroon kang sariling mapagkakakitaan sa pamamagitan ng pagtatayo ng sariling shop.
Hangad ng pitak na ito na magkaroon ka ng maraming kaibigan sa panulat.
Dr. Love