Puro quotes, walang proposal

Dear Dr. Love,

Warm greetings!

Ako po si Anne, dalaga, 28 years old. Sana po matulungan ninyo ako sa aking suliranin ngayon.

Madami na po akong nabasa sa inyong column na puro magaganda ang binibigay ninyong payo sa kanila. Sana po mapayuhan din po ninyo ako.

Meron po kasi akong manliligaw ngayon pero hindi ko po masabi na manliligaw kasi wala naman po siyang sinasabi sa akin basta lagi po siyang nagse-send ng mga quotes. Pero ako sa ngayon, nahuhulog na ang loob ko sa kanya. Ang problema po mas ma­tanda po ako sa kanya. Kung manliligaw po sa akin ng totoo, ok lang po ba na sagutin ko siya kahit mas matanda ako? Sana payuhan n’yo ako, Dr. Love.

Thank you, God bless po and more power to your column!

Anne

Dear Anne,

Kung ikaw mismo ay di mo masiguro na nanliligaw ang lalaking ito sa iyo, paano mo siya sasagutin?

Kailangan kasi ay magkaroon ng hayagang proposal na mahal ka niya para sabihin mo na nanliligaw siya sa iyo. Pero kung puro quotation ang ipinadadala, paano mo sasabihing isa siyang suitor?

May mga nangyayari naman sa pagitan ng lalaki at babae na kung tawagin ay mutual under­standing. Walang ligawan, walang proposal at walang sagot. Basta’t nagising na lang isang araw na umiibig sa isa’t isa. Iba namang kaso ito.

Siguro, next time na padalhan ka niya ng quotes ay puwede mo nang itanong kung ano ang kahulugan ng madalas niyang pagpa­padala sa iyo nito.

Mahirap kasing mag-jump into conclusion at basta sasabihin mong “oo tinatanggap ko ang pag-ibig mo” gayung wala naman siyang proposal hindi ba?

Dr. Love

Show comments