Nasaan ang pangako

Dear Dr. Love,

Una po sa lahat isang mainit na pagbati sa paborito kong kolumnista ng malaganap na pahayagang Pilipino Star Ngayon.

Ako po si Cesar Rubi, 37 years old, tubong Surigao del Sur at kasalukuyang nakapiit dito sa pambansang bilangguan.

Nagkalakas ako ng loob na lumiham sa inyo sa dahilang marami akong kasamahan dito na natulungan ninyo na magkaroon ng maraming mga kaibigan sa panulat na nagsisilbi nilang inspirasyon sa pagbabagong buhay.

Ako man, naghahangad na magkaroon ng maraming kaibigan para malimutan ko ang ma­pait kong karanasan sa pag-ibig at sa kalung­kutang dinaranas ko rito sa kulungan.

Ako po ay dating isang driver ng public utility vehicle, sa hanap-buhay na ito ko nakilala ang babaeng nagpatibok ng aking puso. Nagsama na kami at biniyayaan ng dalawang anak.

Ang sumpaan naming, walang kalasan.

Ngunit nang makapatay ako noong 2007 at makulong, nanabang ang asawa ko hanggang sa sumama na siya sa ibang lalaki.

Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa aming dalawang anak. Diyos na mahabagin! Paano ko matatagalan ang ganitong problema. Hirap na ang katawan, hirap pa ang isipan.

Pero natanggap ko na ang katotohanang mahina ang aking asawa. Hindi niya ako talaga mahal at pangsariling kapakanan lang ang kanyang inalintana.

Kaya po, nakikiusap ako sa inyo na sana po ay matulungan ninyo akong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para makatighaw sa aking pangungulila.

Maraming salamat po at more power.

Gumagalang,

Cesar Rubi

Dorm 116 MSC Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

Dear Cesar,

Ang pagtalikod ng asawa kundi man ng kasintahan ang karaniwang mga problemang idinadaing sa pitak na ito ng mga lumiliham sa aming bilanggo. Marahil hindi lang kayo ang duma­ ranas ng lungkot at hirap ng buhay kundi maging ang inyong mga naiwanang mahal sa buhay.

Kung minsan, nakakaisip silang makisama o mag-asawa uli dahil hirap silang matustusan ang pangangailangan ng pamilya na nawalan ng ama. Hindi sa idinedepensa namin ang mga asawang nangaliwa o sumama sa ibang lalaki. Sinasabi lang namin ang karaniwang dahilan ng kanilang pag­talikod sa nabilanggong mahal sa buhay.

Marahil, sa mga bilanggo na ang asawa ay nangaliwa, ihingi na lang ninyo ng kapatawaran sa Panginoon ang ginawa ng inyong mahal sa buhay. Bahagi rin marahil ito ng pagsubok na dumating sa inyong buhay para patatagin pa ang inyong puso at pagsisihan ang nagawang kasalanan.

Pakiusapan mo na lang ang pamilya mo na alamin kung ano ang nangyari sa iyong dalawang anak at kung kaya nilang tulungan ang mga batang makapag-aral habang wala ka pa para magam­panan ang iyong obligasyon sa kanila.

Pagbutihin mo ang rehabilitasyon mo diyan sa kulungan para mapaaga ang iyong paglaya.

Dr. Love

Show comments